Hegemonya ng US sa mga ekonomya sa Asia-Pacific

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Bahagi ng militaristang Indo-Pacific Strategy ng imperyalismong US ang pagpapalakas ng hegemonya nito sa mga ekonomya ng alyado at malakolonya nito sa Asia-Pacific. Tungo rito, inilunsad ni US Pres. Joseph Biden ang Indo-Pacific Economic Framework for Prosperity (IPEFP) bago ang pagpupulong ng Quadrilateral Security Dialogue (US, Japan, Australia, India) sa Japan noong Mayo. Isinagawa sa Australia ang unang pagtitipon ng mga upisyal sa ekonomya ng 14 bansang kasapi nito noong Disyembre 10-15.

Lantad na layunin ng IPEF ang kontrahin ang pamamayagpag ng imperyalistang China sa rehiyon. Liban sa India at US, lahat ng mga kasapi ng IPEFP ay myembro rin ng Regional Comprehensive Economic Partner-ship (RCEP) at may malalakas na ugnayang kalakalan sa China. Balak ng US na rendahan ang kalakalang ito at agawin sa China ang mga bentahe nito sa pandaigdigang kalakalan, laluna sa pagmamanupaktura ng semiconductor. Sa panahon ding ito, nais nitong pahigpitin ang kontrol sa mga rekurso, pamilihan at lagakan ng sobrang kapital sa Asia-Pacific.

Bagamat itinutulak bilang “partnership” (o pagtutuwangan) walang pinag-iba ang IPEFP sa binitawan ng US na Trans-Pacific Part-nership at ibang multilateral na kasunduang sumira sa mga atrasado at malakolonyang bansa at nagbansot sa kanilang pag-unlad. Itutulak nito ang mga bansa na lalupang ibuyangyang ang kani-kanilang mga ekonomya kapalit ng limitadong kapital. Dagdag din itong instrumento ng US para ipataw ang mga tuntunin at prosesong pabor sa mga kumpanya at pamumuhunang Amerikano sa rehiyunal na pamilihan habang pinananatiling sarado ang sariling ekonomya.

Maraming bansa ang umaalma sa mga tuntunin ng IPEFP at hakbangin ng US na tahasang lumalabag sa kanilang soberanyang pang-ekonomya. Kamakailan, inianunsyo ng US ang bagong mga resktriksyon sa mga kumpanyang Amerikano sa pagluluwas ng materyal na may kaugnayan sa produksyon ng mga computer chip. Itinulak nito ang South Korea at Singapore na magpataw ng katulad na resktriksyon. Sa larangang ito (kalakalan), nagbabala na ang Indonesia, Thailand at ang India na hindi ito papayag na gamitin ang IPEFP para may bansang “nakahiwalay.” Tahasang tumanggi ang mga ito na isakripisyo ang kanilang ugnay sa China.

Todong pangangayupapa ng rehimeng Marcos

Di katulad ng mga bansang nagtataguyod ng kasarinlan sa ekonomya, nagkukumahog ang tutang gubyerno ni Marcos na magpailalim sa IPEFP. Nakaayon dito ang patakaran ng rehimen na “buksan nang todo ang pinto” sa lokal na ekonomya sa dayuhang pandarambong kapalit ang kakarampot na kapital at bahagi sa merkadong Amerikano.

Balak ng US na itayo ang upisina ng US Trade and Development Agency (USTDA) sa Metro Manila para palakasin ang kontrol nito sa mga patakaran at proyektong pang-ekonomya sa Asia-Pacific. Sa Pilipinas, padudulasin ng ahensyang ito ang pagkopo ng mga kumpanyang Amerikano sa kabubukas na sektor sa pampublikong yutilidad, telekomunikasyon, mga proyektong imprastruktura at pang-enerhiya at ekspansyon ng mga minahan at komersyal na plantasyon.

Kabilang sa mga popondohan ng US ang dalawang mapaminsalang proyekto na ipinagmalaki pa ni ng bise presidente nito na si Kamala Harris noong bumisita siya sa bansa. Isa rito ang geothermal project sa Mt. Apo sa North Cotabato kung saan kasosyo ng USTDA ang Energy Development Corporation (EDC) ng pamilyang Aboitiz. Isa pa ang nickel at cobalt processing facility kasosyo naman ang Eramen Minerals Inc. (EMI) sa Zambales.

Mahaba at madugo ang naging paglaban ng mga magsasaka at Lumad sa mga proyektong ito. Dislokasyon sa mga magsasaka at Lumad at pinsala sa kapaligiran ang idinulot ng dalawang proyekto. Iligal na itinayo ang mga geothermal plant ng EDC sa lupang ninuno ng mga Manobo sa Mt. Apo, na isang protektadong lugar. Ang mga operasyon naman ng EMI ay minsan nang ipinasara ng Department of Environment and Natural Resources dahil sa mapaminsalang epekto nito sa komunidad. Parehong taliwas ang mga proyekto sa bukambibig ng US na “kasaganaan” at pangagalaga sa kapaligiran na bahagi ng “pagkontra sa climate change.”

Hegemonya ng US sa mga ekonomya sa Asia-Pacific