Walang tigil-putukan ngayong kapaskuhan
Inianunsyo noong Disyembre 19 ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas na hindi ito magdedeklara ng tigil-putukan ngayong kapaskuhan. Ayon sa Partido, “walang karason-rason para magdeklara ng tigil-putukan.”
Nagpapatuloy ang mga operasyong militar at pag-atake ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa maraming komunidad sa kanayunan. Maraming barangay ang ipinaiilalim sa kanilang paghahari. Laganap ang pang-aabusong militar at paglabag sa mga batayang karapatan tulad ng pagbabawal sa mga magsasaka na magtrabaho sa kanilang mga sakahan, ililgal na panghahalughog sa mga kabahayan, iligal na pang-aaresto, tortyur, pambobomba at istraping, panganganyon sa mga sakahan at kalapit na kagubatan, pwersahang pagpapasuko at marami pang iba.
Sa desperasyon ng rehimeng Marcos at armadong mga pwersa nito na “durugin” ang rebolusyonaryong kilusan, walang pakundangan ang paglabag nito sa mga karapatang-tao at internasyunal na makataong batas. Hindi bababa sa 45 ang biktima ng pampulitikang pamamaslang ng militar at pulis simula nang maupo sa poder si Marcos Jr. Higit 47,000 ang biktima ng mga paglabag sa karapatang-tao.
Sa ganitong diwa, binigyan ng Partido ng awtoridad ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) na maglunsad ng mga taktikal na opensiba sa darating na mga araw. Ayon sa Komite Sentral, “tungkulin ng BHB na armadong ipagtanggol ang mamamayan, maging ngayong kapaskuhan, at ngayong nasa gitna tayo ng pagluluksa sa pagpanaw ng ating pinakamamahal na si Ka Jose Maria Sison.”
Inatasan nito ang hukbong bayan sa pamamagitan ng Pambansang Kumand sa Operasyon at mga Panrehiyon at Subrehiyong Kumand sa Operasyon na aktibong labanan at biguin ang kampanya ng armadong panunupil ng AFP.”
Maaari magkonsentra ng pwersa ang BHB para patamaan ang nahihiwalay, mahihina at pagod na mga tropa ng sundalo at pulis at parusahan sila sa kanilang dumaraming krimen sa mamamayan.