Armadong paglaban sa Myanmar, umiigting

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Umiigting ang armadong paglaban ng mamamayan ng Myanmar laban sa huntang militar habang papasok sa pangatlong taon ng brutal na paghahari nito.

Noong Pebrero 1, ibinalita na umabot sa 43 armadong pwersa ng hunta ang napatay sa mga rehiyon ng Mandalay, Sagaing at Magwe, sa loob lamang ng tatlong araw.

Kabilang dito ang ilang kumander ng Tatmadaw na inambus sa haywey sa bayan ng Shwebo, rehiyon ng Sagaing, gamit ang mga landmine. Sa panayam sa isa sa mga mandirigmang nagsagawa ng ambus, gumamit sila ng mga landmine na sarili nilang gawa. Kahit pa delikado ang operasyon dahil kinailangan nilang dumikit sa kampo na lakas-batalyon, nagawa ng 11-kataong tim ang opensiba para pinsalain ang hunta. Labintatlong pwersa ng hunta ang napatay at anim ang nasugatan.

Lima pang pwersa ng hunta sa bayan ng Ayadaw sa parehong rehiyon ang napatay matapos bagsakan ng mga bomba ang kanilang tsekpoynt at detatsment gamit ang isang drone. Isang 4-kataong tim ang nagsagawa ng drone strike na nagbagsak ng walong bomba. Liban sa limang patay, 10 pwersa pa ng hunta ang nasugatan.

Sa Sagaing pa rin, dalawang pwersa ng hunta ang napatay at marami ang nasugatan sa tatlong magkakahiwalay na reyd sa detatsment at istasyon ng pulis. Dalawa pa ang napatay at marami rin ang nasugatan nang ambusin ng mga armadong mamamayan ang 60-kataong yunit ng Tatmadaw ng 18 landmine.

Mga landmine din ang ginamit ng mga armadong mamamayan sa mga operasyon nito sa Magwe at Mandalay.

Samantala, tusong pinalawig ng huntang militar ang paghahari nito nang karagdagang anim na buwan. Taliwas ito sa pangako nitong magdadaos ng eleksyon para muling itayo ang sibilyang gubyerno isang taon matapos magkudeta para agawin ang estado poder noong Pebrero 1, 2021.

Ipinwesto ng kudeta na ito sa kapangyarihan si Gen. Min Aung Hlaing, ang nanguna sa kudeta. Muling ikinulong ng militar si Aung San Suu Kyi na noo’y tumatayong lider ng sibilyang gubyerno.

Kahit idaos ang eleksyon, pangamba ng marami na gagamitin lamang ito ng hunta para gawing lehitimo ang paghaharing militar. Ito ay dahil hinatulan nito ang karibal na si Aung San Suu Kyi ng pagkakabilanggo nang hanggang 33 taon sa mga kasong isinampa ng hunta laban sa kanya. Iginawad ang mga parusa sa mga lihim at maanomalyang paglilitis.

Sa ilalim ng brutal na huntang militar, dumanas ng matinding terorismo at panggigipit ang mamamayan ng Myanmar. Sa nakaraang dalawang taon, halos 3,000 sibilyan ang pinatay ng hunta, karamihan mga payapang nagpuprotesta. Mahigit 18,000 ang ikinulong dahil sa kanilang pagtutol sa kudeta at paggigiit na ibalik ang halal na mga upisyal sa pwesto at ang mga karapatang sibil ng mamamayan.

Sa kanayunan, laganap ang paghuhulog ng bomba mula sa ere na pumaslang pati sa mga bata at matatanda. Kabilang sa pinakamatindi ang pagbomba ng Tatmadaw sa isang eskwelahan noong Setyembre 2022 na pumatay sa di bababa sa 11 batang estudyante. Sinundan ito ng pagbobomba sa isang konsyierto ng katutubong Kachin na pumatay sa 50 katao at nagsugat sa 70 iba pa.

Laganap din ang panununog ng kabahayan at pagpapalayas ng mga komunidad. Libu-libong mamamayan, karamihan mula sa pambansang minorya, ang napilitang tumawid sa mga hangganan tungo sa Thailand at India para magsangtwaryo.

Sa kabila ng kahindik-hindik na paglabag ng hunta sa mga karapatang-tao at internasyunal na makataong batas, patuloy itong sinusuportahan ng mga imperyalistang korporasyon, kabilang ang dambuhalang kumpanya ng langis na Total.

Armadong paglaban sa Myanmar, umiigting