Marcos noon at ngayon: papet, pasista at pahirap sa bayan
Malinaw na malinaw sa sambayanang Pilipino na si Ferdinand Marcos Jr, kasalukuyang hepe ng papet na estado, ay walang pinag-iba sa ama niyang noo’y diktador: kapwa sila papet, pasista, korap at pahirap, at walang malasakit sa kapakanan ng bayang gutom at nagdurusa.
Ang mga dahilang ito ang nagbuklod at nagtulak sa taumbayan na mag-alsa sa EDSA mahigit tatlo’t kalahating dekada na ang lumipas. Ito rin ang nagbubuklod sa kanila ngayon na lumaban para isulong at ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at kagalingan, at ang kanilang hangarin para sa tunay na pambansang kalayaan at demokrasya. Tulad ng amang diktador, gamit ni Marcos Jr ang pinakabulok at pinakabuktot na mga paraan ng naghaharing uri sa pagpapatakbo sa batbat sa krisis na sistemang malakolonyal at malapyudal sa Pilipinas.
Sunud-sunuran si Marcos Jr sa mga dayuhang kapangyarihan at wala ni katiting na dangal sa ginagawang pagsuko ng kasarinlan at kapakanan ng bansa sa mga dayuhang kapangyarihan, laluna sa US at China.
Mga patakarang neoliberal na sinimulan ng kanyang ama noong dekada 1970, ang ipinatutupad ngayon ni Marcos Jr. Itinutulak niya ang todo-largang liberalisasyon sa pamumuhunan at importasyon sa ngalan ng “lubos na pagbubukas ng pintuan.” Ibinibigay lahat ng pabor at pangako sa dayuhang malalaking kapitalista, laluna ang mababang pasahod sa mga manggagawa at hindi pagsingil ng buwis. Ibinibigay rin sa mga dayuhang kapitalista ang lubos na kalayaang kamkamin ang lupa ng mga magsasaka at minoryang mamamayan, at dambungin ang yaman sa mga bundok, ilog at karagatan.
Ilang dekada nang winawasak ng mga patakarang ito ang kabuhayan ng mamamayan, ang lokal na produksyon at ekonomya ng Pilipinas. Sa ngalan ng liberalisasyon sa importasyon, hinayaang tumambak ang mga dayuhang kalakal sa bansa at daganan ang lokal na produksyon, laluna sa agrikultura. Hindi na halos makahinga ang masang magsasaka dahil sa dami ng imported na bigas, iba’t ibang gulay, sibuyas, bawang, at maging asin. Sa ngalan ng deregulasyon, binigyang-laya ang mga burges komprador na malalaking komersyante, at importer at ismagler (na karaniwa’y parehong mga tao o pamilya lang din) para sobra-sobrang patungan ang presyo ng mga bilihin.
Sa nagdaang halos apat na dekada, tuluy-tuloy na nabulok at lalong umatras ang produksyon sa Pilipinas at lalong nilumpo ang ekonomya ng bansa. Pinalalabas na “kaunlaran” ang dayuhang pamumuhunan sa mga “export processing zone” kahit hindi naman ito nagpapaunlad sa lokal na ekonomya. Upang punuan ang pirmeng kakulangan ng salapi dahil sa hindi pantay na dayuhang pakikipagkalakalan, lalong sumalalay ang bansa sa dayuhang pangungutang at pagpapadala ng mga manggagawang Pilipino sa ibayong dagat na tagapag-uwi ng dolyar sa bansa. Taun-taon, aabot sa sangkapat ng badyet ng bansa ang napupunta sa pagbabayad-utang, na hindi naman pinakinabangan ng taumbayan.
Gaya ng baluktot na prayoridad ng kanyang ama at ng mga sumunod na reaksyunaryong gubyerno, kulang na kulang ang inilaang badyet ni Marcos Jr sa kalusugan, edukasyon at iba pang serbisyong panlipunan. Sa kabilang panig, palaki naman nang palaki ang pondong winawaldas sa Armed Forces of the Philippines (AFP) para bumili ng mga helikopter at eroplanong pandigma, gayundin ng mga bomba, bala at iba pang kagamitang pandigma na gagamitin para supilin, takutin at gupuin ang paglaban ng sambayanan.
Ang deklarasyon ni Marcos Jr na “kaibigan ng lahat” katunaya’y patakaran ng pagpapaalipin sa lahat. Sa kongkreto, sinang-ayunan niya kamakailan ang plano ng gubyerno at militar ng US na magtayo ng karagdagang lima pang base militar sa loob ng mga kampong militar ng AFP sa Cagayan, Isabela at Palawan. Plano ng US na gamitin ang mga ito para mag-istasyon ng mga tropa at magpwesto ng mga misayl na itututok sa China. Pumayag din si Marcos na magkaroon ng diumano’y pinagsanib na pagpapatrulya ang mga barkong pandigma ng US at mga pwersa ng AFP. Ang mga hakbanging ito ay bahagi ng estratehiyang militar ng US na gamitin ang Pilipinas, pati na ang Japan, South Korea, Taiwan, at iba pang bansa, na lunsaran upang magamit sa pang-uupat ng gera sa China, katulad ng ginawa nitong paggamit sa Ukraine para gerahin ang Russia.
Samantala, mistulang tuod si Marcos na walang ginagawa sa harap ng patuloy na paggamit ng China sa pitong pasilidad militar na marami’y itinayo nito sa loob ng teritoryong pandagat ng Pilipinas. Malala pa, inimbitahan ni Marcos ang Chinese Construction and Communication Corporation, isang kumpanyang pag-aari ng gubyerno ng China na bantog sa panunuhol at korapsyon. Kabilang ito sa mga kumpanyang imbwelto sa malawakang paninira sa karagatan ng Pilipinas. Inanyayahan ni Marcos na palawakin ang operasyon ng kumpanyang ito sa Pilipinas, kapalit ng dagdag na pautang mula sa China.
Tulad noong panahon ng diktadurang Marcos, nakasusulasok rin ngayon ang baho ng korapsyon. Bukod sa pagtanggap ng suhol sa mga dayuhang kumpanya, nabunyag kamakailan na imbwelto rin si Marcos Jr sa malakihang ismagling, na ang iba’y kilalang kamag-anak ng asawang si Liza Araneta. Pinagmamadali rin ni Marcos ang pagbubuo ng Maharlika Investment Fund para mapasakamay ang daan-daang bilyong pondo ng gubyerno at ilagay sa mga pinapaburan niyang mga negosyo.
Habang lalong tumitindi ang pagkapapet ni Marcos Jr, ang korapsyon at pagpapahirap sa bayan, lalo ring lumulupit at sumisidhi ang brutalidad ng gera ng reaksyunaryong estado laban sa sambayanan. Sa tulak din ng among imperyalistang US, papalupit ang isinasagawang kampanya ng AFP at Philippine National Police (PNP) sa pagsupil sa sambayanan. Sinlupit noong batas militar ni Marcos ang pampulitikang panunupil at kontra-insurhensya ngayon. Malawakan at walang pakundangan ang pagyurak sa mga karapatang-tao at internasyunal na makataong batas.
Tulad sa ilalim ni Marcos Sr, subsob sa lusak at hirap ang masang manggagawa, magsasaka at buong sambayanan sa ilalim ni Marcos Jr, habang lumalangoy naman sa luho at karangyaan ang mga asendero, malalaking burgesyang komprador at dayuhang malalaking kapitalista. Sa harap ng dinaranas nilang pang-aapi at pagsasamantala, malinaw na walang ibang landas para sa mamamayan kundi ang landas ng rebolusyonaryong paglaban.