NDFP consultant at 4 pa, di makatarungang inaresto
Di makatarungang inaresto ng mga sundalo at pwersa ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang konsultant ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) para sa usapang pangkapayapaan na si Ruben Saluta, 75, at kanyang asawa at kapwa rebolusyonaryong si Presentacion Cordon Saluta, 63, kasama si Yvonne Losaria sa kanilang tinutuluyang bahay sa Doña Soledad, Barangay Labangal, General Santos City noong Enero 30.
Inaresto si Saluta batay sa gawa-gawang mga kaso ng pagpatay habang si Presentacion at Losaria ay sinampahan ng mga kasong rebelyon. Dagdag dito, pinalalabas ng mga pwersa ng estado na nakuha sa kanila ang anim na matataas na kalibreng armas, mga bala at iba pang gamit militar. Si Saluta ay matanda na at mayroong chronic pulmonary disease. Parehong may hypertension siya at ang kanyang asawa.
Sa Baguio City, inaresto ng mga pulis si Jennifer Awingan, isang katutubo ng Kalinga at myembro ng Cordillera Peoples Alliance (CPA) sa kanyang bahay sa Barangay Pinsao Proper noong Enero 30. Sinampahan siya, kasama ang walo pang iba, ng gawa-gawang kasong rebelyon sa rehiyon ng Cordillera at Ilocos.
Kabilang sa mga kinasuhan sina Windel Bolinget at Steve Tauli, kapwa mga upisyal ng CPA, Sarah Abellon, Lourdes Gimenez, Florence Kang, mamamahayag ng Northern Dispatch na si Niño Oconer, at sina Jovensio Tangbawan at Salcedo Dumayom Dappay Jr Hindi sila pwedeng magpyansa sa mga kasong ito.
Inaresto rin ng mga pulis ang unyonista at propesor ng UP Diliman na si Prof. Melania Flores noong Pebrero 6. Sinampahan siya ng kasong “paglabag sa Social Security Law.” Ayon sa mga grupo, panggigipit ito sa mga aktibista at progresibong personahe.
Samantala noong Enero 30, isinapubliko ng Anti-Terrorism Council (ATC) ang pagtatalagang “terorista” kay Dr. Natividad Castro, kilalang duktor na piniling magsilbi sa mga komunidad ng Lumad at magsasaka sa Mindanao. Ang ATC ay kapulungang nilikha sa bisa ng Anti-Terror Law.
Tangkang pagmasaker. Napatay si Danny Malinao sa tangkang pagmasaker ng 3rd Special Forces Battalion sa limang magsasaka sa Sityo Emerald, Diatagon, Lianga, Surigao del Sur noong Enero 24. Ang lima ay nag-aani ng gulay nang paulanan ng bala ng mga sundalo. Pinalabas ng 3rd SFB na isang engkwentro sa hukbong bayan ang naganap.
Paglabag sa makataong batas. Nadakip ng mga sundalo ng 85th IB ang sugatang Pulang mandirigmang si Jose dela Cruz o Ka RC matapos ang isang labanan sa Barangay Huyon-uyon, San Francisco, Quezon noong Enero 29. Ipinaparada siya na parang isang tropeyo imbes na kilalanin bilang bihag ng digma at gamutin ang kanyang mga sugat.
Atake sa mga komunidad. Nilusob ng halos 200 sundalo ng 62nd IB ang Barangay Amuntay, Binalbagan, Negros Occidental at mga barangay ng Talaon, Aya at Cansumandig sa La Libertad, Negros Oriental mula Enero 21 hanggang 27. Naitala dito ang iba’t ibang kaso ng paglabag sa karapatang-tao.
Sa bayan ng La Libertad, tatlong beses na sapilitang pinasok at hinalughog ng mga sundalo ang bahay ng matatandang mag-asawang sina Marting at Roama Pedro sa Barangay Amuntay noong Enero 22 at 23. Sa Barangay Aya, niransak at giniba ng militar ang bahay ni Dongkoy Pahayahay noong Enero 26. Pinasok din ang bahay ng mag-asawang Pecore sa Sityo Mabato, Barangay Talaon.
Noong Pebrero 2, binantaang pupugutan ng ulo ng 79th IB ang mga magsasakang sina Rex Lumayno at Eric Opinggo sa Sityo Odiong, Barangay Bandila, Toboso, Negros Occidental habang iligal na nakadetine.
Samantala, niransak ng mga sundalo ang bahay ni Toto Palay sa parehong barangay kamakailan lamang at binantaang bobombahin ito.
Noong Enero 7, binantaan ng militar ang sibilyang si Wendel Pasinabo na pupugutan ng ulo.