Pauwiin ang inabusong mga migrante, labanan ang labor export policy

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Isa si Sally sa mga migranteng manggagawa na kararating lamang mula sa Kuwait. Bago makauwi, ilang panahon siyang nanatili sa isang “shelter” o pasilidad ng embahada ng Pilipinas na itinayo para saluhin ang mga biktima ng human trafficking habang pinoproseso ang kanilang pag-uwi sa Pilipinas. Umuwi si Sally nang walang-wala, dahil ni minsan hindi siya sinahuran ng kanyang amo.

Mahigit 400 migranteng ang nasa mga shelter ng embahada ng Pilipinas sa Kuwait, ayon kay Sally. Napakabagal ng proseso ng pagpapauwi, aniya, at nagsisiksikan na parang mga nakakulong na hayop ang mga migrante roon. Marami sa kanila ang nagkakasakit dahil sa di makataong kundisyon ng shelter. Liban sa mga nasa shelter, napakaraming migranteng Pilipino pa ang nasa mga kulungan ng Kuwait dahil sa paglayas nila sa kanilang mga amo at iba pang paglabag sa sistemang kafala.

Humarap si Sally sa isang press conference ng grupong Migrante at mga taong simbahan noong Enero 27 matapos lumabas ang balita tungkol sa brutal na pagpaslang sa isa na namang Pilipinang kasambahay noong Enero 18. Ginahasa at pinatay ng anak ng kanyang amo si Jullebee Ranara, 35-taong gulang. Sinunog at itinapon ang kanyang bangkay sa disyerto.

Sa harap ng mga kamera at mikropono, kunwa’y todo-buhos ang suporta ng estado, mula sa presidente hanggang sa Depatment of Migrant Workers at OWWA. Sa likod nito, libu-libo pang migranteng Pilipino ang pinabayaan ng estado sa brutal at di makataong mga kundisyon sa paggawa sa Middle East. Mula 2017, nakapagtala na ng 6,000 kaso ng pang-aabuso sa mga manggagawang Pilipino ang naitala sa Kuwait. Umaabot naman sa 126 ang pinatay na mga Pilipino dito mula 2016. Kabilang dito sina Joanna Daniela Demafelis (2018), Constancia Lago Dayag (2019), at Jeanelyn Villavende (2019).

Ayon sa United Methodist Church, mula nang mabalita ang pagpatay kay Ranara, di bababa sa 10 dating nagtrabahong kasambahay sa Kuwait na biktima rin ng panggagahasa ang dumulog sa kanilang upisina. Nakauwi man silang buhay sa Pilipinas, ni isa sa kanila ay hindi nakatanggap ng anumang tulong mula sa gubyerno.


Brutalidad at modernong pang-aalipin

Sa taya ng grupong Migrante, umaabot sa 15 milyong Pilipino ang nasa ibayong dagat. Nagpapadala ang mga overseas Filipino workers (OFW) ng mga remitans na bumubuo sa 8.9% ng gross domestic product o GDP. Mayorya sa kanila ay kababaihan (59.6%) pero mas maliit ang kanilang naipadadalang remitans (44.47%) dahil madalas na mababang klase at barat ang kanilang sahod. Marami sa kanila ay mga kasambahay at ilan ay mga tagalinis o tindera.

Sa Middle East, pinakamalaki ang bilang ng mga manggagawang Pilipino sa Saudi Arabia, kasunod sa United Arab Emirates, Kuwait at Qatar. Sa mga bansang ito, katulad sa lahat ng mga estado sa rehiyon liban sa Iraq, umiiral ang sistemang kafala. Kilala rin ang sistemang ito bilang “sponsorship system,” kung saan pinapayagan ng estado ang mga indibidwal o kumpanya na direktang kumuha ng mga dayuhang empleyado. Sagot lahat ng nag-eempleyo ang gastos ng kontraktwal na manggagawa. Kapalit nito, hawak niya hindi lamang ang kabuhayan, kundi pati ang buhay ng trabahador. Bawal sa mga migranteng kontraktwal ang lumipat ng trabaho, bawal rin sa kanya na basta-basta na lamang umalis o umuwi.

Resulta ng sistemang ito, dumaranas ang mga migranteng manggagawa ng nakapababang sahod, di makataong kundisyon sa paggawa, samutsaring abuso at kahindik-hindik ng mga krimen. Laganap ang karahasan laban sa kababaihang manggagawa, kabilang ang panggagahasa. Sa aktwal, nagsisilbing sistema ng modernong pang-aalipin ang kafala.

Noong 2022, sa halos 6,000 kaso ng pangmamaltrato at abuso laban sa mga migranteng manggagawa na naitala sa PSA, 5,201 ay mula sa Middle East. Nasa 200 lamang sa mga ito ang nakasampa sa mga korte.


Ibinebentang parang karne

Hindi lamang ang sistemang kafala at kriminal at abusadong mga amo ang maysala sa kalunus-lunos na kalagayan ng mga kontraktwal na manggagawa sa labas ng bansa. Maysala rin ang reaksyunaryong estado ng Pilipinas na nagderegularisa sa proseso ng pagpapadala ng mga manggagawa at pagpapaubaya sa mga pribadong ahensya ng paggawa ang pagmomonitor at pagtiyak sa kanilang kagalingan. Ilang ulit na ring napatunayan ang kainutilan ng mga upisyal ng mga embahada ng gubyerno sa pagsalo sa mga migranteng humingi ng saklolo.

Pinakamalaking kasalanan ng estado ang labor export policy kung saan ibinebenta ang mga manggagawang Pilipino na “parang karne” sa internasyunal na merkado ng paggawa. Ginagawa ito ng estado para mahuthot ang maksimum na remitans na ipinadadala nila. Ayon sa Migrante, itinulak ng estado ang deregulasyon ng deployment para panatilihing “competitive” o mabenta ang mga manggagawa. Anito, integrado sa patakarang ito ang pagtitiis ng mga kasambahay sa kanilang kalagayan kung saan ipinagkakasundo nito ang mga manggagawa kahit sa abusadong amo at ipinapasa ang obligasyong serbisyo sa mga recruitment agency sa panahong sila’y ginigipit, minamaltrato o pinagtatangkaang patayin.

Kada araw, mahigit 6,000 Pilipino ang lumalabas ng bansa para magtrabaho. Habang papalaki nang papalaki ang kanilang bilang, papaliit naman ang kapasidad at interes ng estado na protektahan sila.

Binatikos ng Migrante ang patakaran ng labor export at nanawagan na ito’y ibasura. Sa halip na ibenta ang mga manggagawa, dapat kagyat na balangkasin ng estado ang sustenableng programa ng reintegrasyon sa mga manggagawa. Lubos na mapakikinabangan ng bansa ang mga kasanayan at lakas-paggawa ng mga nars, titser, caregiver, at marami pang ibang napipilitang magtrabaho sa ibang bansa. Kasabay nito, dapat kagyat na maiuwi ang lahat ng mga kontraktwal na manggagawang nagdurusa ngayon sa ibang bansa at kamtin ang hustisya para sa lahat ng mga biktima ng pangmamaltrato, pang-aabuso at pamamaslang.

Pauwiin ang inabusong mga migrante, labanan ang labor export policy