Gen. Durante at 1001st IBde, berdugo ng Davao

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Hindi naitanggi ng militar at pulis ang krimen ni Brig.Gen. Jesus Durante III, kumander ng 1001st IBde, matapos tumambad sa publiko ang ebidensya na ipinapatay niya si Yvonne Chua-Plaze, isang babaeng negosyante. Mismong ang limang elemento ng 1001st IBde na sangkot sa pamamaslang ang nagturo sa kanya bilang utak ng krimen. Binaril si Chua-Plaza sa harap ng tinitirhan niyang bahay noong Disyembre 30, 2022.

Liban kay Durante, pinangalanan na sangkot sa krimen ang bise kumander niyang si Colonel Michael Licyayo at lima pang sundalo. Bago nito, inilabas ng mga kamag-anak at kaibigan ni Chua-Plaza ang mga palitan ng mensahe sa telepono sa pagitan niya at ni Durante, gayundin ang mga larawan ng negosyante na bugbog ang mukha at mga braso. Sa mga mensahe niya, tahasan niyang pinangalanan si Durante ang bumugbog sa kanya.

Kabilang sa mga post ni Chua-Plaza ang banta na isisiwalat niya ang tunay na kwento sa pagpaslang ng militar kina Menardo Villanueva (Ka Bok) at Chad Booc. Aniya, maraming siyang ebidensya sa ginawa mismo Durante kay Villanueva at Booc. Nilakipan niya ng larawan ng bangkay ni Ka Bok ang kanyang post at marami pa siyang katulad na larawan, aniya.

Itinalaga si Durante bilang kumander ng 1001st IBde noong Agosto 2021, matapos siyang magsilbing hepe ng Presidential Security Group ng noo’y presidente na si Rodrigo Duterte. Bago nito, nagsilbi siya sa 1st Scout Ranger Battalion, at hepe rin ng Task Force Davao.


Berdugong sinungaling

Noong Pebrero 24, 2022, ipinagmalaki ni Durante ang pagpatay ng 1001st IBde sa mga gurong sina Chad Booc at Gelejurain Ngujo, kasama ang mga sibilyang sina Elgyn Balonga, Tirso Añar at Robert Aragon sa New Bataan, Davao de Oro. Ipinagdiinan ni Durante na napatay ang lima sa isang engkwentro, gayong itinanggi na ng lokal na yunit ng hukbong bayan na may naganap na sagupaan sa lugar. Lumabas sa awtopsiya sa bangkay ni Booc na sadya siyang pinatay.

Si Durante rin ang nag-anunsyo sa mga kasinungalingang namatay sa mga engkwentro ang tatlong mga kadre ng Partido sa Southern Mindanao Region noong 2022.

Isa rito si Villanueva na aniya’y napaslang sa Barangay Libudon in Mabini, Davao de Oro noong Enero 5, 2022. Ang totoo, Disyembre 2021 pa hawak ng 1001st IBde si Villanueva. Itinago at tinortyur siya bago siya paslangin at ilitaw na patay na. Pinatay rin ng mga berdugo si Sandra Reyes (Ka Kaye) na tinatayang nadakip kasabay ni Ka Bok.

Isa pang karumal-dumal na kaso ni Durante at ng 1001st IBde ang pagdukot, pagtago at kalauna’y sadyang pagpatay kay Ezequiel Daguman (Ka Rey) noong Marso 2022.

Gen. Durante at 1001st IBde, berdugo ng Davao