Pagdiriwang at pagsasanay ng BHB, inilunsad sa Western Samar
Sa kabila ng pasistang mga atake ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at nakapokus na operasyong militar sa mga bayan ng Samar, patuloy na nakapagpupunyagi ang mga yunit ng hukbong bayan sa prubinsya. Nakapaglunsad ang BHB ng mga pagdiriwang at iba pang aktibidad noong huling kwarto ng 2022.
Noong Disyembre 25, 2022, nagsama-sama ang mga Pulang mandirigma ng BHB at mga kasapi ng rebolusyonaryong organisasyong masa para ipagdiwang ang anibersaryo ng Partido at parangalan ang mga rebolusyonaryong martir. Naging sentro ng programa ang pag-alala sa mga dakilang tagumpay ng Partido sa isla sa nakalipas na taon.
Kinilala sa pagtitipon ang kabayanihan ng Dolores 22, ni Joel Arceo (Ka Divino) at iba pa. Nagsagawa rin ng tahimik na 21-gun salute bilang pagbibigay ng pinakamataas na pagpupugay kay Kasamang Jose Maria Sison.
Pagsasanay militar
Noong huling linggo ng Oktubre 2022, inilunsad ng BHB-Western Samar para palakasin ang kakayahan ng mga Pulang mandirigma sa mahigpit na pagsunod sa kumand, iba’t ibang pormasyon at maniobrang pangkombat at depensa, at iba pa.
Isa sa mga lumahok sa pagsasanay ang bagong rekrut na si Ka Rain, 20 anyos, at kasapi ng Kabataang Makabayan sa kanilang baryo. Itinaas ng pagsasanay ang kanyang kumpyansa para humawak ng armas at lumaban sa kaaway.
Naging matagumpay ang pagsasanay sa kabila ng masamang lagay ng panahon. Baon ng mga mandirigma ang kanilang mga natutunan sa pagpapatupad ng kanilang mga gawain. Wika ni Ka Pander na siyang punong tagapagsanay, “Dapat tayong mga Pulang mandirigma ay laging uhaw sa mga pag-aaral at pagsasanay dahil dito nahuhubog ang ating mga kakayanan at rebolusyonaryong diwa para sa higit pang pag-aambag sa kilusang magpapalaya sa mamamayang Pilipino.”