Planong ehersisyong militar ng US at Pilipinas sa Ilocos, binatikos

,

Kinundena ng National Democratic Front-Ilocos ang planong paglulunsad ng ika-38 Balikatan Exercises ng mga sundalong Pilipino at Amerikano sa Ilocos Norte sa darating na Abril 24-27. Nakatakda itong lahukan ng 16,000 mga sundalo, ayon sa paunang mga balita.

Ayon sa NDF-Ilocos, ikalawang ehersisyong militar na itong ilulunsad sa Ilocos Norte. Naunang isinagawa ang pinagsanib na pagsasanay ng Philippine Marines at US Marines sa Currimao at Laoag City noong Hunyo 2022.

Sa pahayag ni Col. Michael Logico, na mamumuno sa naturang ehersisyong militar, itinakda nito ang Barangay Bayog, Burgos bilang “operational area” sa gagawing ehersisyo. Ang baybayin ng Bayog ay magagamit bilang coastal air defense site. Dito rin isasagawa ang live fire exercises upang subukan ang mga bagong kagamitang pandigma ng US.

Paninindigan ng NDF-Ilocos, isasapanganib nito ang mamamayang Ilocano at yuyurak sa soberanya ng Pilipinas. Nagbabala rin sila sa panganib na idudulot ng ehersisyo sa kalikasan kabilang ang posibleng pagkasira ng mga coral reef sa karagatan ng lugar. Anito, isasapanganib laluna ng live fire exercises ang mga komunidad ng mga mangingisda at magsasaka.

Ang US-RP Balikatan Exercises ay nakabalangkas sa tagibang na Mutual Defense Treaty at Visiting Forces Agreement. Dagdag sa Ilocos Norte, may mga bahagi itong ilulunsad sa Fuga, Calayan at Batanes.

Planong ehersisyong militar ng US at Pilipinas sa Ilocos, binatikos