Paglago ng GDP, “malayo sa sikmura”

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishBisaya

Hindi ramdam ng mamamayan, laluna ng mahihirap, ang ipinagmamalaki ni Ferdinand Marcos Jr na 7.6% na paglago noong 2022 ng gross domestic product (GDP o lokal na produksyon) ng Pilipinas. Ayon sa grupong Kadamay, “malayo sa sikmura” ng maralitang Pilipino ang ipinagdiriwang na “pag-unlad” ni Marcos Jr. Hindi sila umaasang matutugunan ng “byaherong pangulo” ang kanilang kumakalam na tiyan.

Kinutya ng mga maralita ang paghahari ni Marcos Jr bilang “gutom era.” Ayon mismo sa estadistika ng estado, lumaki tungong 20 milyon (nadagdagan ng 2.3 milyon) ang mahihirap noong 2022. Pinakamarami ang dumanas ng gutom sa pagitan ng Oktubre at Disyembre noong nakaraang taon dulot ng nagtaasang presyo ng mga bilihin.

“Flash in the pan” o isang bagay na mabilis lamang dumaan at di na mauulit ang tawag ng Ibon Foundation sa ipinagmamayabang na paglago ng GDP. “Rebound” o bwelo lamang ito mula sa matinding pagbagsak ng ekonomya na idinulot ng mahihigpit na lockdown sa panahon ng pandemya. Tiyak na magkakaroon ng matarik na pagbulusok ngayong taon, ayon sa institusyon.

Niloloko lamang ng gubyerno ang publiko kaugnay sa paglago, ayon sa Ibon. Gusto lamang nitong ibida ang kunwa’y “mahusay na pagtitimon” ni Marcos Jr sa ekonomya. Sa aktwal, hindi ito magtatagal dahil nasagad na ang “paglago” mula sa makasaysayang 9.5% na pagbagsak ng lokal na produksyon noong 2020. “Babalik na ito (ekonomya) sa dating padron ng mabagal na paglago bago magpandemya.”

Katunayan, nagsimula na ang pagbagal sa ikaapat na kwarto ng 2022 kung saan lumago nang 7.2% ang ekonomya, pinakamabagal sa buong 2022. Ang ipinagmalaking “revenge spending” o pagtaas ng paggasta ng mga pamilya (household consumption) ay tumumal na mula pa pangalawang kwarto ng taon. Walang bwelo ang paggasta kahit noong Kapaskuhan.

Samantala, pangatlong taon nang bagsak ang produksyon sa agrikultura. Ayon mismo sa datos ng estado, negatibo o nasa -0.1% ang paglago ng lokal na agrikultura noong 2022. Bago nito, kumitid ang produksyon sa sektor nang -1.7% (2021) at -1.2% (2020). Kahit noong 2019, di signipikante ang paglago ng agrikultura (0.3%). Sa magkasunod na tatlong taon, bagsak ang pananim at pangisda. Bahagyang tumaas ang produksyon ng livestock (1.9%) pero hindi ito sapat para batakin pataas ang tantos ng pag-unlad ng buong sektor.


Di solusyon sa krisis

Hindi mareresolba ang pangmatalagan krisis sa ekonomya ng Pilipinas sa pamamagitan ng Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028, ang programa sa ekonomya ni Ferdinand Marcos Jr. Tinawag ng Ibon ang plano na “lipas na” ang balangkas nito.

Ang PDP na ito, ayon sa instituyon, ay pang-siyam na sa mga “programang pangkaunlaran” mula sa panahon ng diktadurang Marcos. Mula noon hanggang sa kasalukuyan, nakatuon ang mga programang ito sa pagpapatupad ng mga reporma para sa “malayang kalakalan.” Ang ibig lamang sabihin nito ay magpapatuloy ang nakatuon-sa-eksport na produksyon habang nagkukumahog ang reaksyunaryong estado na makaakit ng dayuhang pamumuhunan.

Inilahad ng Ibon ang datos ng estado na nagsasabing lumaki ang bahagi ng produksyong pang-eksport mula 16% ng GDP noong dekada 1980 tungong 40% noong dekada 2000. Anim na beses namang lumaki ang dayuhang pamumuhunan mula dekada 1980 (5% ng GDP) tungong 29% sa kasalukuyan.

Sa harap nito, pabagsak ang padron ng pagmamanupaktura at agrikultura mula pa dekada 1950. Gayundin, papaliit ang bilang ng iniempleyo nitong mga manggagawa.

Lalong ilulugmok ng PDP 2022-2028 ang bansa sa matinding krisis. Ito ay dahil nakabalangkas ang plano sa patakarang globalisasyon na sanhi ng malawakang kawalan ng trabaho, kahirapan at kawalan ng pag-unlad sa nakaraang apat na dekada.

Imbes na paunlarin, patuloy na papatayin ng rehimen ang produktibong mga sektor ng ekonomya, partikular ang agrikultura, sa pamamagitan ng walang sagkang importasyon. Wala itong ibibigay na suporta kahit sa kasalukuyang produksyon.

Katulad ng mga plano sa ekonomya ng nagdaang mga reaksyunaryong rehimen, walang itong balak na igawad sa mga manggagawa ang nakabubuhay na sahod at programa para sa reporma sa lupa, pagtataas ng presyo sa pagbili ng mga produktong pang-agrikultura ng mga magsasaka at iba pang kinakailangang reporma para iangat ang buhay at kabuhayan ng mayorya ng mga Pilipino.

Paglago ng GDP, “malayo sa sikmura”