Mga protesta
#SaveSibuyan. Pansamantalang napatigil noong Pebrero 4 ng mga residente ng Sibuyan Island sa Romblon ang iligal at mapangwasak na pagmimina ng Altai Philippine Mining Corporation matapos ang halos 2-linggong barikadang bayan. Nanaig ang mamamayan kahit marahas na binuwag ang barikada noong Pebrero 3.
Kampuhan sa Bacolod. Nagdaos ng 2-araw na kampuhan ang mga magsasaka ng Negros sa harap ng Department of Agriculture sa Bacolod City noong Enero 30-31 para igiit ang pagresolba sa maraming kaso ng sigalot sa lupa sa isla. Habang nasa kampuhan, nagsagawa ng pakikipagdayalogo ang mga magsasaka sa mga upisyal ng DAR.
Paggunita sa Masaker sa Mendiola. Nagmartsa sa Mendiola sa Maynila ang mga grupo ng magsasaka at iba pang demokratikong sektor noong Enero 22 para gunitain ang ika-36 taong kawalan ng hustisya sa mga biktima at kawalan pa rin ng tunay na reporma sa lupa.
Ibasura ang EDCA, MDT. Nagprotesta ang mga grupo na kaanib ng Bayan noong Pebrero 2 sa Quezon City para tutulan ang pagbisita ni US Defense Sec. Lloyd Austin na naglalayong pabilisin at paramihin ang patatayo ng mga base militar ng US sa Pilipinas.