Bata, 5 sibilyan, pinaslang ng AFP

,

Pinaslang ng mga pwersa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa tatlong magkakaibang insidente ang isang 2 taong gulang na bata at limang sibilyan sa Negros Occidental, Abra, at Western Samar sa nagdaang mga linggo. Sa mga insidenteng ito, pinalabas ng AFP na mga mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) ang mga biktima para ikubli ang kanilang krimen.

Sa Western Samar, pinaulanan ng bala ng mga sundalo ng 63rd IB ang bahay ng pamilyang Obiado sa Sityo Salvacion, Barangay San Nicolas, San Jose de Buan noong Setyembre 25. Agad na napaslang sa pamamaril ang magsasakang si Ronie Obiado at 2-taong gulang niyang apo na si Intoy, habang nakaligtas ang tatlo pa, kasama ang magulang at lola ang bata. Gayunpaman, hindi pa natutunton ang kinaroroonan ng asawa ni Obiado matapos ang insidente.

Sa Negros Occidental, basta na lamang binaril at pinatay ng mga sundalo ng 79th IB ang mag-asawang magsasaka na sina Christian Job Vargas at Mailyn Salgado noong Oktubre 17 sa Sityo Nabalas 1, Barangay Canlusong, E.B. Magalona.

Naulila ng mag-asawa ang kanilang mga anak na may edad lima, isang taon, at limang buwan.

Sa Abra, pinaslang ng 77th IB ang 68-anyos na magsasakang si Antonio Diwayan Agliwan na mag-isang naninirahan sa Sityo Talipugo, Barangay Buneg, Lacub, noong Oktubre 13 ng hapon. Iginiit ng mga kaanak ng biktima na sibilyan si Agliwan.

Samantala, inilinaw ng BHB-Abra na sibilyan at hindi Pulang mandirigma ang napatay ng mga sundalo noong Oktubre 3 sa hangganan ng Barangay Gacab, Malibcong at Barangay Ableg, Daguioman sa Abra. Taliwas sa sinasabi ng 24th IB, walang naganap na engkwentro dito.

Pag-aresto. Inaresto ng mga pwersa militar ang 70-anyos na si Dolores Rapsing-Belibit, kapatid ng martir na si Jose Rapsing, sa Barangay Bolo, Masbate City, Masbate noong Setyembre 30. Sinampahan siya ng mga kaso ng pagpatay, tangkang pagpatay, at iba pang krimen na ayon sa mga kamag-anak ay puro gawa-gawa ng militar.

Iligal ding inaresto ng mga pwersa ng estado sina Nilo Mabuti Almoradie, 58 anyos, at Melanie Tupas Amor sa Barangay Piña, San Jacinto noong Oktubre 2 sa mga kasong pagpatay. Si Almoradie ay walang-batayang pinararatangan na “3rd most wanted” sa bayan ng San Jacinto.

Inaresto sa hindi pa malinaw na mga kaso ang organisador ng mga katutubo na si Reymart Moneda noong Oktubre 16 sa Barangay Magsaysay, Infanta, Quezon ng mga sundalo ng 1st IB. Kasalukuyan siyang nakadetine sa istasyon ng pulis sa Infanta.

Panggagahasa. Dalawang kababaihan sa Bongabong, Oriental Mindoro ang ginahasa ng mga sundalo ng 203rd IBde at CAFGU noong Agosto, ayon sa ulat ng National Democratic Front (NDF)-Mindoro noong Oktubre 8.

Ginahasa si “Rose” ng mga elemento ng CAFGU noong Agosto 28 sa Barangay Hagan. Ang ikalawang biktima naman na si “Ana” ay isang katutubong residente ng Barangay Lisap.

Pambobomba. Tuluy-tuloy na nanganyon sa loob ng isang linggo mula Setyembre 23 hanggang Setyembre 29 ang 87th IB sa barangay San Nicolas at Aguingayan sa San Jose de Buan, Western Samar. Noong Setyembre 23, hindi bababa sa 17 kanyon ang pinasabog nito mula alas-8 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling araw kinabukasan.

Pambubugbog. Noong Oktubre 3, binugbog ng mga elemento ng 203rd IBde ang tatlong Mangyan-Buhid na mga residente ng Barangay Manoot, Rizal, Occidental Mindoro. Iligal ding hinuli ng mga pasista si Nano Dam-in.

Panggigipit. Sinakal, isinubsob ang mukha sa lupa, at pinagbantaang papatayin ng mga sundalo ng 2nd IB ang kasalukuyang barangay tanod at kumakandidatong kagawad sa Barangay Matubinao, Cataingan, Masbate na si Ariel Urag noong Oktubre 12. Sinalakay ng 15 sundalo ang bahay para takutin si Urag at pasunurin sa kanilang mga utos.

Noong Oktubre 12, ipinadala ng Department of Justice ang isang subpoena o pagpapatawag kina Jonila Castro at Jhed Tamano para harapin ang mga kasong perjury at slander na isinampa ng 70th IB. Naniniwala ang mga grupo sa karapatang-tao na ang mga ito ay pawang panggigipit at ganting-salakay matapos isiwalat ng dalawa ang ginawang pagdukot, tortyur at iligal na detensyon ng militar sa kanila.

Pinagbantaan ni dating presidente Rodrigo Duterte ang buhay ni Deputy Minority Leader at ACT Rep. France Castro sa isang programa sa telebisyon noong Oktubre 11. Ani Duterte, mga tulad ni Castro ang target ng intelligence fund at “dapat patayin.”

Sa Camarines Norte, naitala ang anim na kaso ng intimidasyon at pananakot sa mga bayan ng Labo at Jose Panganiban sa pagitan ng Agosto 11 at Oktubre 3. Ang ilan sa mga magsasakang biktima ay nakaranas ng tortyur.

Pamamaril. Noong Setyembre 27, isang grupo ng mga katutubo ang tinangkang imasaker nang pagbababarilin ng mga sundalo ng 9th IB sa Sityo Mapatong, Barangay Malaya sa bayan ng Labo. Matapos nito, isang katribu nila ang hinuli at ikinulong.

Pinagbababaril din ng 62nd IB ang komunidad sa Sityo Kapaklan, Barangay Santol, Binalbagan, Negros Occidental noong Oktubre 6.

Bata, 5 sibilyan, pinaslang ng AFP