Banta ng mapangwasak na pagmimina sa Batangas

,

Minamadali ngayon ng Bluebird Merchant Ventures Ltd (BMV), kumpanyang nakarehistro sa British Virgin Islands, ang mga proseso at permit para masimulan ang Batangas Gold Project sa Lobo, Batangas. Kasosyo ang kumpanyang Alpha-Diggers Inc, target nitong makapaghukay ng 440,000 onse o 12.43 toneladang ginto sa 1,164 ektarya na sasaklawin ng pagmimina.

Noong Hunyo, binigyan ang kumpanya ng permit para isagawa ang kaukulang mga pag-aaral at paghahanda para sa “underground mining operation.” Karugtong ito sa naunang permit para sa eksplorasyon na iginawad sa Mindoro Resources Limited (MRL) na dating nagmimina sa bayan ng Lobo. Saklaw ng proyekto ang mga barangay ng Nagtoctoc, Nagtaluntong, Mabilog na Bondoc at Sawang.

Dagdag sa minang nabanggit, may isa pang minahan ang BMV sa Barangay Balibago na may lawak na 1,011 ektarya. Nakapailalim ang dalawang proyekto sa isang Mineral Sharing Production Agreement (MPSA) na may bisang hanggang 25 taon. Tatagusin ng dalawang minahan ang pinakamalaking kabundukan ng Lobo tulad ng Mt. Naguiling, Mt. Masalakot-Nalayag Monolith, Mt. Lobo-Bangkalan at Nagpatong Peak.

Dati nang tinutulan ng mga residente ng Lobo at karatig na mga bayan ang proyektong pagmimina dahil sa idudulot nitong pinsala sa kalikasan. Noong 2015, inamin ng MRL na plano nitong gumamit ng nakalalasong kemikal na cyanide para sa pagmimina. May pangambang umapaw ang kemikal mula sa minahan tungo sa ilog ng Lobo at palabas sa karagatan. Isasapanganib nito ang Verde Island Passage, ang tinaguriang sentro ng mga sentro ng marine biodiversity o yamang pangkaragatan sa buong mundo. Liban dito, maaari itong sipsipin ng lupa at humalo sa inuming tubig.

Iba pang mapangwasak na proyekto

Bukod sa dayuhang pagmimina sa Lobo, samutsaring mga minahan at mga proyekto sa enerhiya, eko-turismo at iba pang imprastrukturang mapangwasak sa kalikasan ang isinasagawa sa Batangas. Mayroong limang MPSA, dalawang permiso para magproseso ng mineral, walong aplikasyon para sa MPSA, at 35 aplikasyon para sa eksplorasyon sa prubinsya.

Sa bayan ng Taysan, tuluy-tuloy ang operasyong pagkukwari ng Republic Cement and Building Material, Inc, kumpanya ng CRH-Aboitiz, na sumisira sa mga bundok, sakahan at ilog.

Sa San Juan, 12 barangay ang nakaambang saklawin ng proyektong geothermal habang kinahaharap ng ilang barangay sa Rosario ang “proyektong pangkaunlaran” ng San Miguel Corporation. Tuluy-tuloy din ang pagtatayo ng mga plantang pang-industriya sa mga bayan na saklaw ng Batangas Bay kabilang ang mga terminal ng Liquefied Natural Gas (LNG) na nagdudulot ng matinding polusyon sa hangin at karagatan.

Sa kanlurang Batangas, libu-libong ektaryang lupang sakahan ang ipinapalit-gamit para sa malalawak na plantang solar ng malalaking burgesyang kumprador tulad ng pamilyang Legarda at Roxas. Bukod pa rito ang libu-libong ektaryang “pinaunlad” para maging pook-aliwan ng mayayaman tulad ng Sandari-Batulao wellness village, Batulao Artscapes, Punta Fuego, Hamilo Coast at iba pa.

Tuluy-tuloy din ang ekspansyon o pagpapalawak sa Batangas International Port na nakaambang magpalayas sa daan-libong maralitang naninirahan sa mahigit 30 barangay ng Batangas City na nasa paligid nito. Layunin nitong magamit ang pantalan sa paglalabas ng miminahing ginto, pilak at tanso tungo sa ibang bansa.

59th IB: Ahente ng pandarambong

Para tiyakin ang todong paglarga ng mga proyektong ito, walang-tigil na mga operasyon ang inilulunsad ng 59th IB sa prubinsya. Sa kasalukuyan, pangunahing sinasaklaw ng mga operasyong kombat nito ang kulumpon ng mga barangay sa mga kabundukan ng Lobo, Taysan at San Juan para sa Batangas Gold Project.

Sa talaan ng Ang Bayan, hindi bababa sa 60 ang mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao ng 59th IB simula nang maupo si Marcos sa poder. Kabilang sa karumal-dumal na krimen ng yunit na ito ang pagpatay sa 9-taong gulang na si Kylene Casao noong Hulyo 18, 2022 sa Taysan at sa magsasakang may kapansanan sa pag-iisip na si Maximino Digno noong Hulyo 26, 2022 sa Calaca. Ang yunit na ito rin ang pasimuno sa paggamit ng Anti-Terrorism Law para kasuhan at gipitin ang mga tagapagtanggol sa karapatang-tao.

Pinamumunuan ng berdugong si Lt. Col. Ernesto R Teneza Jr ang 59th IB na nakahimpil sa Barangay Tulos, Rosario, Batangas.

Banta ng mapangwasak na pagmimina sa Batangas