Mga protesta para sa Palestine, sumiklab sa buong mundo

,

Daan-daan libong mamamayan sa iba’t ibang bansa ang humugos sa mga kalsada bilang suporta sa pakikibaka ng mamamayang Palestinian para sa tunay na kalayaan at laban sa gerang henosidyo ng Israel. Kumalat ang mga kilos protesta sa 40 bansa at sa iba’t ibang syudad sa loob ng mga bansang ito.

Pinabulaanan ng mga raliyista ang sistematikong disimpormasyon na ipinalalaganap ng Israel, US at mga bansang sumusuporta sa henosidyo na dumadaloy sa dambuhalang imperyalistang makinarya sa masmidya at pati sa social media. Anila, hindi “gera” o “sigalot ng Israel-Hamas” ang nagaganap sa Gaza kundi lantarang henosidyo.

Sa Pilipinas, libu-libong mamamayang Moro ang nagprotesta sa mga syudad ng Marawi at South Cotabato. Nanindigan silang kaisa sila ng mamamayang Palestinian. Kinastigo ng ilang lider-Moro ang pagsuporta ni Ferdinand Marcos Jr sa Israel gayong libu-libo na ang pinapatay nitong Palestino. Naglunsad naman ng mga protesta bilang pakikiisa ang mga pambansa-demokratikong organisasyon sa Quezon City.

Noong Oktubre 13, inilunsad ang mga kilos protesta sa Jordan, Lebanon, Syria, Iran, Iraq, Pakistan at Egypt sa tinaguriang “Byernes ng Al-Aqsa Flood.” Itinuturing na banal ang Al Aqsa hindi lamang ng mamamayang Palestinian kundi sa iba pang mga Arabo at mga sumasampalataya sa Islam.

Sa US at Canada, sumiklab ang mga protesta sa mayor na mga syudad, kabilang sa New York na nilahukan ng mga Jew at biktima ng mga henosidyo ng mga Nazi. Noong Oktubre 19, pinasok ng mga raliyista ang gusali ng Kongreso ng US para ipanawagan ang pagpapatigil sa henosidyo at pagsasagawa ng tigil-putukan. Kasabay ang protesta sa pagbisita ng presidente ng US na si Joseph Biden sa Israel para ipamalas ang todo-todong suporta ng kanyang rehimen kay Benjamin Netanyahu, pinuno ng Zionistang rehimen.

Sa United Kingdom at Australia, libu-libo ang sumama sa mga vigil at protesta sa mga pangunahing syudad. Sa France, 150,000 ang lumahok sa tinaguriang “Day of Rage” sa kabila ng pagbabawal ng gubyerno dito. Nagkaroon ng katulad na mga pagkilos sa UK, Germany, The Netherlands, Italy, Spain, Greece, Switzerland, Ireland, Iceland at Norway.

Sa Malaysia, 1,000 ang nagrali at nagsunog ng dalawang effigy na may nakasabit na bandila ng Israel. Nagkaroon din ng mga pagkilos sa Indonesia, Bangladesh, Japan at Sri Lanka.

Sa South America, nakiisa ang mamamayan sa Mexico, Brazil, Uruguay at Venezuela. Samantala, pinatalsik ng Colombia ang ambasador ng Israel sa kanilang bansa. Anang presidente nitong si Gustavo Petro, ang pang-aatake ng Israel sa Gaza ay katulad ng henosidyo ng mga Nazi sa mga Jew.

Mga protesta para sa Palestine, sumiklab sa buong mundo