Mga protesta
Barikada kontra-demolisyon sa Angeles City. Nagtayo ng barikada noong Oktubre 16 ang mga residente ng Sityo Balubad, Barangay Anunas, Angeles City para labanan ang planong demolisyon ng Clarkhills Properties Corporation sa kanilang mga bahay. Tatamaan ng demolisyon ang mahigit 500 bahay at 2,000 residente na nakatira sa 72-ektaryang lupang kinakamkam ng naturang kumpanya.
Reklamasyon sa Dumaguete City, tinutulan. Mahigit 200 taong-simbahan, mga tagapagtanggol ng kalikasan, kabataan at residente sa baybayin ng Dumaguete City ang nagtipon sa Pantawan, Rizal Avenue, Barangay 5 para sa “Ecumenical Walk for Creation” noong Oktubre 15. Ipinawagan nila ang pangkalikasang hustisya at proteksyon laban sa mapanirang proyektong reklamasyon.
Human chain laban sa reklamasyon. Mahigit 600 indibidwal, sa pangunguna ng Kalikasan PNE at Pamalakaya, ang gumawa ng human chain sa Roxas Blvd, harap ng Manila Bay, para igiit ang pagtigil ng mga proyektong reklamasyon sa buong bansa. Nagpapatuloy ang dredging o paghuhukay ng buhangin sa Manila Bay sa kabila ng kunwa’y utos ni Marcos Jr na isuspendi ang mga ito.