NDFP, naglunsad ng kumperensyang panteorya hinggil sa imperyalismo at gera

,

Matagumpay na idinaos ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang kauna-unahang Pandaigdigang Kumperensyang Teoretikal sa isang bansa sa Europe noong Oktubre 14-15. Dinaluhan ito ng 139 kalahok mula sa iba’t ibang partidong proletaryo-sosyalista, anti-imperyalista at demokratiko na kumakatawan sa mga mamamayan ng daigdig mula sa Belgium, Canada, China, Germany, United Kingdom, India, Italy, Turkey, Kurdistan, The Netherlands, North Korea, Pilipinas, Russia South Korea at US.

Inilunsad ang kumperensya sa gitna ng rumaragasang krisis at tumitinding kontradiksyon sa pagitan ng mga imperyalistang bansa. Sa pamamagitan ng mga pahayag at presentasyon mula sa iba’t ibang partidong Marxista-Leninista, mga partidong naglulunsad ng Maoistang digmang bayan, at anti-imperyalistang mga organisasyon mula sa iba’t ibang bansa, pangunahing tinalakay ng naturang kumperensya ang teoretikal na balangkas ng di-maiiwasang gera sa pagitan ng mga imperyalistang bansa at ang mga susing tampok na pangyayari ng mga inter-imperyalistang sigalot. Tinalakay din dito ang pag-aalsa ng manggagawa at mamamayan sa iba’t ibang dako ng mundo, at kung ano ang marapat na aktitud at pagsusuri ng pandaigdigang proletaryado sa gitna ng kasalukuyang pandaigdigang kalagayan.

Sa mayor na pahayag ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas, inilinaw nito ang kasalukuyang balanse ng kapangyarihan sa pagitan ng mga imperyalistang bansa. Tinukoy ito ng PKP na ugat ng higit pang pagtindi ng inter-imperyalistang tunggalian sa mundo ang papatinding agresyon ng US sa pagtatangka nitong igiit ang solong kontrol sa kasalukuyang multipolar na kaayusan ng daigdig.

Inilinaw din ng Komite Sentral ng PKP na ang gera sa Ukraine sa pangunahin ay proxy war ng US-NATO laban sa Russia, gayundin ang mga nagbabadyang banta ng gera sa Asia. Ginagamit ng US ang Taiwan at Korea, gayundin ang Pilipinas at iba pang bansa sa tinagurian nitong “First Island Chain” para palibutan at limitahan ang kapangyarihan sa ekonomya at militar ng China. Ayon sa PKP, ang pambansa demokratikong rebolusyon sa Pilipinas sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan at iba pang porma ng pagmobilisa sa malawak na masa ng mamamayang Pilipino ay ang natatanging kontribusyon nito sa pakikibaka laban sa inter-imperyalistang gera. Ang paglulunsad ng armadong pakikibaka laban sa imperyalismong US at mga papet nito sa Pilipinas ay nagsisilbi upang hadlangan ang mga plano ng US na mag-udyok at magpaputok ng armadong sigalot sa rehiyon ng Asia.

Bukod sa PKP, kabilang sa nagbahagi ng kanilang mga presentasyon ang Communist Party of India (Maoist), Communist Party of Turkey Marxist-Leninist (TKP-ML), Party of the Committees to Support Resistance for Communism (CARC-Italy), Freedom Road Socialist Organization-USA, Korean Committee for Solidarity with the World People, Russian Communist Workers Party, (New) Communist Party of Canada, Kurdistan National Congress (KNK), Revolutionaire Eenheid (Netherlands), Communist Party of Great Britain (Marxist-Leninist), Communist Party of Belgium, People’s Democratic Party (South Korea), Marxistisch-Leninistiche Partei Deutschlands (Germany) at mga kasama at eksperto mula sa China.

Tinalakay din ng kumperensya ang patuloy na pananakop at pambobomba ng Israel sa Palestine sa basbas at suporta ng US.

Naging sustantibo at mayaman ang mga diskusyon sa kumperensya at nagsilbi itong pagkakataon para sa iba’t ibang lumalabang mamamayan upang makapagpalitan ng mga ideya at praktikal na karanasan. Sa huli, nanaig ang kaisipan at komitment ng bawat kalahok sa Marxistang pananaw hinggil sa natatanging papel ng pandaigdigang proletaryado na baguhin ang mundo. Gayundin, higit pang napagyaman ang mga pagsusuri at pag-unawa sa teorya at praktika ni Kasamang Lenin hinggil sa imperyalismo, ni Kasamang Mao hinggil sa paglulunsad ng digmang bayan sa mga bansang malapyudal at malakolonyal, at ang kasalukuyang kabuluhan ng papel ng mga kilusan para sa pambansang kalayaan sa pagpapalakas ng pandaigdigang kilusang sosyalista at anti-imperyalista.

Sa pagtatapos ng dalawang-araw na kumperensya, nagkaisa sa pag-unawa ang mga kalahok sa teoretikal na balangkas at pagsuri sa kasalukuyang kalagayan ng daigdig. Inaasahang magsisilbi ito upang makamit ang mas mataas na antas ng pagkakaisa sa hanay ng isang malawakang nagkakaisang prente sa loob ng pandaigdigang kilusang proletaryo-sosyalista at anti-imperyalista bilang paghahanda sa napipintong higit pang pagbulusok ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista.

NDFP, naglunsad ng kumperensyang panteorya hinggil sa imperyalismo at gera