Beteranong organisador ng manggagawa, pinarangalan

,

Inilunsad ng mga pambansa-demokratikong organisasyon, sa pangunguna ng mga samahang manggagawa at anakpawis, ang tatlong araw na parangal para kay Jude Thaddeus Fernandez o Ka Jude, beteranong organisador ng Kilusang Mayo Uno (KMU), sa University of the Philippines (UP)-Diliman noong Oktubre 10 hanggang Oktubre 12.

Pinatay si Fernandez ng mga pwersa ng estado noong Setyembre 29 sa kanyang tinutuluyang bahay sa Rizal. Pinalabas siyang nanlaban, bagay na pinabulaanan ng fact-finding mission na tumungo sa lugar na pinangyarihan.

Pinahirapan pa ng mga pulis ang pamilya na bawiin ang kanyang mga labi. Itinanggi nilang si Ka Jude ang kanilang pinatay, kundi isang “Oscar Dizon” na siyang nakalagay na pangalan sa sinasabing mandamyentong inihain sa kanya.

Deka-dekada nang organisador ng masang anakpawis si Fernandez. Nagsimula siyang kumilos noong 1975 habang mag-aaral siya sa UP-Los Baños. Kabilang siya sa mga nanguna sa kampanya para sa pagbabalik ng demokratikong sangguniang mag-aaral, ng malayang mga pahayagang pangkampus, representasyon ng mga mag-aaral sa UP Board of Regents at pagbabalik ng Philippine History and Institution sa kurikulum.

Kasama ang ibang kabataan mula sa unibersidad, sumanib si Ka Jude sa kilusan ng uring manggagawa at manggagawang bukid sa panahon ng batas militar. Tampok ang naging papel niya sa pag-oorganisa ng mga manggagawa ng Sunripe Dessicated Coconut Industry sa Magdalena, Laguna, na nanguna sa pagbabandila tunay, palaban at makabayang unyonismo at militanteng mga pakikibakang masa sa panahong iyon.

Kinilala din ng Partido Komunista ng Pilipinas ang malaking ambag ni Ka Jude bilang proletaryong rebolusyonaryo sa pagsusulong ng mga pakikibakang masa, gayundin ng armadong rebolusyunaryong kilusan laluna sa Southern Tagalog, pati na sa Central Luzon. Ang mayaman niyang karanasan sa pag-oorganisa at pagpapakilos ang nagsilbing gabay sa tuluy-tuloy na pagpapalakas ng kilusang masa sa iba’t ibang rehiyon at sektor.

Beteranong organisador ng manggagawa, pinarangalan