Koresponsal: Si Kasamang Yuds at ang armadong pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa
Isang taon pa lamang mula nang sumapi si Kasamang Yuds sa Bagong Hukbong Bayan, ngunit hindi na bago sa kanya ang paghawak ng baril. Naranasan na niyang mag-armas, kasama ang kanyang angkan, upang ipagtanggol ang kanilang lupa laban sa mga mangangamkam.
Deka-dekada na ang sigalot sa mahigit 100 ektaryang lupang pag-aari ng angkan ni Ka Yuds. Mataba ang naturang lupa at mabunga ang mga pananim dito. Halos dalawang-katlo nito ay ang patag na may nakatanim na 700 puno ng niyog at samutsaring prutas tulad ng lansones, marang at durian.
Noong dekada 2000, pinwesthan ng pamilyang bantog sa pangangamkan ang lupa nina Ka Yuds. Katuwang ang isang despotikong abogado, inangkin nito ang lupa.
Noong 2004, inokupa nina Ka Yuds ang lupa para bawiin ito. Agad silang sinampahan ng kasong “forcible entry” o pwersahang pagpasok kahit pa mayroon silang katibayan ng pag-aari. Hinarap nila ang kaso at napatunayan sa korte na sila ang lehitimong may-ari sa lupa.
Hindi tumigil ang mang-aagaw ng lupa at sinimulan ang marahas na pang-aatake sa pamilya ni Ka Yuds. Iligal nitong ipinaputol ang mga puno ng niyog dahil ito diumano ang puno’t dulo ng alitan. Nag-arkila ang mangangamkam ng 20 chainsaw operator na sinamahan ng 60 armadong gwardya para ipatupad ito.
Upang ipagtanggol ang kanilang mga sarili at kanilang teritoryo, bumili at nagpaunlad ng mga armas ang angkan ni Ka Yuds.
Tumindi ang sigalot nang barilin at napatay ng armadong goons ng mangangamkam ang isang taga-akyat ng niyog na inempleyo nina Ka Yuds. Nakabantay noon sa taga-akyat si Ka Yuds at kanyang pinsan, at ginantihan nila ng putok ang gwardya.
Matapos nito, sinunog ng mga maton ang mga bahay at ibang ari-arian nina Ka Yuds. Dahil dito, napilitan silang lisanin ang kanilang mga bahay tuwing gabi. Sa isang pagkakataon, tinambangan nila ang mga gwardyang may bitbit na mga sulong pansunog ng iba pang bahay. Nakumpiska mula sa mga gwardya ang isang shotgun at granada. Sa hiwalay na insidente, pinaputukan nina Ka Yuds ang mga gwardyang may kasamang chainsaw operator para pigilan ang pagpuputol sa mga puno ng niyog.
Umabot ng isang buwan ang halos araw-araw pang-aatake ng mga gwardya. Sa panahong ito, naputol nila ang lahat ng niyog at dinamay pa ang ilang puno ng prutas. Nakipagsabwatan sa militar ang mangangamkam ng lupa. Dalawang kapitan ng militar ang direktang nakialam sa kaso. May mga pagkakataon pang tinutukan ng mga sundalo sina Ka Yuds at tinangkang tambangan.
Sa kabila nito, hindi natinag ang paglaban nina Ka Yuds. Sa paglipas ng panahon, unti-unti nilang napaatras ang mangangamkam ng lupa. Matapos mataboy ang mga goons at sundalo sa lupa, maayos na nakapusisyon ang mga kaanak ni Ka Yuds. Naibalik nila ang halos naubos nilang mga tanim at napaunlad ang produksyon. Naging bahagi sila ng mas masaklaw na organisasyon ng magsasaka. Pinangunahan ni Ka Yuds ang kanilang organisasyon at itinayo ang isang kolektibong sakahan.
Sa sumunod na mga taon, naging aktibo si Ka Yuds sa mas malawak na pakikibakang magsasaka. Pinamunuan niya ang mga negosasyon at pakikibaka para sa karapatan ng mga magsasaka sa lupa, pagtulong sa mga biktima ng demolisyon, pagtatanggol sa mga Lumad laban sa pang-aagaw sa lupang ninuno at pagtutol sa pagpasok ng mga mapangwasak na proyekto tulad ng mina at plantasyon.
Sa harap ng panggigipit at banta sa kanyang buhay, nagpasya siyang magpakanlong sa proteksyon ng armadong kilusan, at kalaunan, buong-panahong kumilos bilang Pulang mandirigma.
Masigasig si Ka Yuds sa loob ng hukbong bayan. Nagsilbi siyang halawan ng mga aral sa mga usapin sa lupa. Pino at malinaw niyang naipapaliwanag ang mga ugat ng tunggalian sa lupa at ang nararapat na gawin hinggil dito.
“Hindi sapat ang ligal na pakikibaka para makamit ang karapatan sa lupa,” ayon kay Ka Yuds, batay na rin sa kanyang naging karanasan. “Kailangang humawak ng armas para tapatan ang kalupitan ng naghaharing uri at mga kasabwat nila sa gubyerno.”
__
(Mula sa Ang Kalihukan, upisyal na pahayagan ng NDF-North Central Mindanao.)