Mga upisina ng demokratikong organisasyon sa India, nireyd ng mga pwersa ng estado

,
Ang artikulong ito ay may salin sa EnglishChineseBisaya

Nireyd ng mga operatiba ng National Investigation Agency (NIA) ng reaksyunaryong gubyerno ng India ang mga upisina ng iba’t ibang demokratiko at maka-mamamayang organisasyon sa Andhra Pradesh at Telangana noong Oktubre 2. Sa ulat ng Forum Against Corporatization And Militarization (FACAM), hindi bababa sa 12 organisasyon ang inatake ng mga pwersa ng estado. Ang mga pagsalakay ay may kaugnayan sa sinasabing kaso ng “ugnayan sa mga Maoista” ng mga organisasyon noong 2021.

Inaresto sa reyd si Chandra Narasimhulu, isang upisyal ng Pragatisheela Karmika Samakya (PKS) sa Andhra Pradesh. Ayon sa FACAM, pinalalabas ng gubyerno ng India na nakuha sa kanya ang 1.3 milyong rupee at isang pistola na mayroong mga bala.

“Ang mga organisasyong ito ay matagal nang naninindigan laban sa mga paglabag sa karapatang-tao at panunupil sa demokratikong paggigiit laban sa pandarambong ng mga korporasyon sa hitik-sa-likas na yamang gitnang rehiyon ng India,” ayon sa FACAM.

Ayon pa sa grupo, ang mga reyd na ito ay bahagi ng padron ng pagsupil sa mga progresibo at demokratikong organisasyon sa buong India sa alegasyon ng “ugnayan sa mga Maoista.” Nakararanas din ng panggigipit at reyd ang iba pang mga organisasyon sa ibang estado ng India sa mga gawa-gawang alegasyon. Taktika umano ito para supilin at patahimikin ang lahat ng boses ng pagtutol at kritisimo sa gubyerno ng India.

Ang serye ng koordinadong mga reyd ay isinagawa sa 64 na lokasyon sa mga estado ng Jharkhand, Bihar, Uttar Pradesh, Andhra Pradesh at Telangana.

Mga upisina ng demokratikong organisasyon sa India, nireyd ng mga pwersa ng estado