15-anyos at isa pa, ginahasa ng mga sundalo ng 94th IB

,

Dalawang kaso ng panggagahasa ng mga sundalo ng 94th IB ang iniulat ng mga residente ng Barangay Carabalan, Himamaylan City, Negros Occidental. Naganap ang krimen nang magdaos ng bayle (sayawan) ang mga sundalo sa barangay noong huling linggo ng Agosto. Sa gabi ng sayawan, nasaksihan ng mga residente ang paglapit ng limang lalaking sundalo ng 94th IB at pamimilit nilang isama ang 15-anyos at isa pang dalaga sa kanilang kampo.

Namukhaan ng mga residente ang lima na mga tropang kabilang sa Retooled Community Support Program (RCSP) na namamalagi sa lugar. Ayon sa pamilya ng mga biktima, nakasuot ng unipormeng militar nang umuwi kinabukasan ang dalawang dalaga.

Pagpatay. Binaril ng hindi pa kilalang mga personahe ang mamamahayag na si Juan Jumalon ng 94.7 Calamba Gold FM sa Calamba, Misamis Occidental habang nagbabalita sa radyo noong Nobyembre 5 ng umaga. Nakunan sa live na bidyo sa Facebook ang pagbaril sa kanya.

Sa Sorsogon, pinatay ng mga bayarang hitman ng militar ang magsasakang si Arnel Halum noong Nobyembre 5 sa Sityo Kamandag, Barangay San Pascual, Casiguran. Tumutulong siya sa kanyang bayaw sa pagbubunot ng niyog nang pagbabarilin.

Pag-aresto. Itinago ng 203rd IBde at pinagkaitan ng mga karapatan ang mga Pulang mandirigma na sina Sonny Rogelio (Ka Ed) at Sonny Sambutan (Ka Omeng) na nadakip noong Oktubre 17 sa Sityo Manambao, Barangay Santa Cruz, Bongabong, Oriental Mindoro. Natunton ng pamilya si Rogelio noong Nobyembre 2 sa AFP Medical Center sa V. Luna, Quezon City. Hindi pa nahahanap hanggang sa kasalukuyan si Sambutan.

Sa Camarines Norte, dinakip at ikinulong ng 9th IB ang katutubong si Erick Andaya noong Setyembre 23 sa Barangay Malaya, Labo. Kasama ang biktima ng kanyang mga katribu na nagsipagtakbuhan nang pagbabarilin ng mga sundalo.

Blokeyo sa pagkain. Nagdudulot ng malawakang gutom at kahirapan ang blokeyong pang-ekonomya na ipinapataw ng mga yunit ng 2nd ID sa Barangay Lumutan at Barangay Pagsangahan, General Nakar, Quezon. Ang blokeyo ay ipinataw ilang linggo mula nang simulan ng 80th IB, 1st IB at ng pulis ang operasyong kombat sa bayan noong Setyembre.

15-anyos at isa pa, ginahasa ng mga sundalo ng 94th IB