Kabulukan ng nagdaang eleksyong pambarangay
Muling tumambad sa nagdaang eleksyong pambarangay ang kabulukan ng reaksyunaryong eleksyon sa Pilipinas. Tulad sa nakaraan, kinasangkapan ito ng mga dinastiyang pampulitika para konsolidahin ang kanilang kapangyarihan at maghanda para sa susunod na mga eleksyon.
Mula Agosto 28 hanggang araw ng botohan noong Oktubre 30, laganap ang karahasan at panggigipit ng mga pulitiko sa kanilang mga katunggali, pagbili ng boto, pakikialam ng malalaking pulitiko, panginoong maylupa at negosyante, at panghihimasok ng militar.
Nasa 32 insidente lamang ng karahasang may kaugnayan sa eleksyon ang naitala ng Commission on Elections (Comelec). Sa mga kasong ito, 19 katao ang pinatay habang 19 ang nasugatan. Sa ulat ng ahensya, wala pang 200 ang kaso ng pagbili ng boto. Lubhang malalayo ang bilang na ito sa katotohanan.
Laganap na bilihan ng boto
Sa Bukidnon pa lamang, naiulat ang bilihan ng boto sa lahat ng 464 barangay ng prubinsya. Milyun-milyong pisong pondo ang ibinuhos ng mga pulitiko at negosyante ng prubinsya para tiyakin ang pagkapanalo ng kanilang mga “manok.” Nasa ₱700-₱1,000 ang bilihan ng kada boto para sa pagkakapitan.
Suportado ng bulok na mga kandidato ang notoryus na mga kriminal kabilang ang pamilyang Delamace sa Cabanglasan na kumukontrol sa tatlong barangay (Freedom, Dalacutan at Silae). Patung-patong ang krimen ng pamilya sa mga residente, kabilang ang pambubugbog, pang-aagaw ng lupa at pagpatay sa kanilang mga kalaban.
Sa bayan ng San Fernando, walang ginawang aksyon ang mga pulis at sundalo sa paghahasik ng takot ni Nonong Salusad, pinuno ng paramilitar. Kinikilan niya ng ₱200,000 ang mga tumakbo sa pagkakapitan sa limang barangay. Sa Barangay Kibungkog, kinulimbat niya ang ₱750,000 pondo ng dalawang kandidatong kapitan na kalaban ng kanyang sinusuportahan.
Sa Sorsogon, naitala ang bilihan ng boto na ₱300-₱1,300 para sa pagkakapitan. May mga kaso na parehong tau-tauhan ng meyor ang tumakbong magkalabang kapitan.
Kasabwat ng pinakamalalaking pulitiko ang mga sundalo at pulis. Sa Sorsogon, nagpakat ang mga sundalo ng tig-iisang iskwad sa mga barangay simula Oktubre 27. Sa Laguna, nagtambak ng mga sundalo mula sa 1st IB at mga tangke de gera sa bayan ng Santa Maria simula Oktubre 1. Ipinakat ang mga tropa sa lugar sa tabing ng pagpapanatili ng seguridad sa bayan kaugnay ng halalang pambarangay.
Atake sa mga progresibong kandidato
Tulad sa nakaraan, target ng mga pwersa ng estado ang mga progresibo at makabayang kandidato sa eleksyong pambarangay.
Sa Batangas, tinangkang pigilan ng 59th IB ang pagkandidato ni Ronald Ramos bilang kapitan sa Barangay Macalamcam A, Rosario. Malisyosong inakusahan siyang may kaugnayan sa rebolusyonaryong kilusan sa prubinsya para bigyan-katwiran ang panunupil sa kanya.
Sa Bukidnon, mga tauhan mismo ng meyor ng bayan ng Quezon ang nakialam at nanira sa mga kandidatong aktibista. Takot ang alkalde na manalo sa poder ang ilang progresibo na maaaring makatuwang sa pakikibaka ng mamamayan para sa kanilang mga karapatan.
Nagpatakbo din ang National Task Force-Elcac ng ilang mga tau-tauhan nito sa Bukidnon. Pinatakbo at pinondohan ng mga ito ang mga traydor na “sumurender” sa syudad ng Malaybalay at Valencia. “Kulelat” o talong-talo lahat ang mga ito.
Kabi-kabila ang Red-tagging sa sulsol ng mga ahente ng estado sa maraming bahagi ng bansa. Naitala ang mga kaso nito sa Cebu City, sa Tondo, Manila at iba pang lugar. Namudmod ng mga polyeto sa magkakatabing bayan ng Pavia, Zarraga at Iloilo city sa Iloilo laban sa mga lider na nanguna sa mga pakikibakang masa sa kani-kanilang lugar.
Liban sa mga kaso ng karahasan at pagbili ng boto, binatikos ng grupong Kontra Daya ang pagsubok sa elektronikong sistema ng eleksyon sa dalawang barangay sa Cavite at isa sa Quezon City. Ayon sa grupo, ang paggamit sa elektronikong sistema ay magpapatindi lamang sa pandaraya sa eleksyon dahil mas madali itong maitatago.