Paghaharing militar ng 8th ID sa Samar
Sa malalayong barangay ng Samar, namamayani ang kamay na bakal ng 8th ID ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Malayo sa mata ng publiko at midya, pinaiiral dito ang sirektong mga pagdukot, detensyon at pagkulong sa mga sibilyan sa kanilang mga komunidad at pagsasagawa ng samutsaring pang-aabusong militar. Buong kinubabawan ng mga yunit militar ang mga sibilyang awtoridad.
Pagdukot at ekstrahudisyal na detensyon
Hindi bababa sa 10 ang biktima ng pagdukot at sikretong detensyon sa kampo ng 8th ID sa Barangay Maulong, Catbalogan, Samar mula pa noong nakaraang taon. Nananatili silang nakapiit, hindi mabisita ng mga kaanak, at walang ligal na representasyon hanggang ngayon. Ipinailalim sila sa emosyonal, pisikal at mental na torytur ng berdugong mga sundalo.
Kabilang sa mga biktima sina Mariel Rebato at Monica Ogacho, kapwa mga bagong ina, at kanilang mga sanggol. Kasama nilang ikinulong sa kampo sina Marygrace Tambis Bicina, Renato Chokoy Rufo at tatlo pang dinukot ng militar noon ding Marso. Ang iba sa kanila ay dinampot mula sa inuupahang bahay sa Calbayog City noong pang Disyembre 2022.
Napag-alaman ng rebolusyonaryong kilusan ang kanilang kalagayan nang ilan sa mga dinukot ay pansamantalang pinalaya at nakapag-ulat sa BHB. Kabilang sa mga pinakawalan ang apat na Pulang mandirigma na inatasang magsilbing ahenteng militar.
Kontrol ng militar sa buhay sibilyan
Sa anim na bayan sa Northern Samar, animo’y mga bilangguan ang mga baryo at mga sundalo ang mga tagabantay.
Sa Silvino Lobos, kontrolado ng mga sundalo ang paglabas-masok ng mga residente sa kada baryo. Sinumang pupunta sa bukid o magtrabaho ay pipirma sa logbook at hinuhuli ang sinumang nasa labas na wala dito. Nakatakda kung ilang oras lamang maaaring lumabas.
Noong Abril, limang beses na binomba mula sa himpapawid at inistraping ang Barangay Senonogan de Tubang, Silvino Lobos noong Abril. May araw na limang beses isinagawa ang pambobomba, gamit ang 10 rocket, kasabay ang apat na beses na pagpapasabog ng kanyon at pang-iistraping. Tatlong magsasaka ang direktang pinaputukan ng mga sundalo. Liban dito, laganap ang mga krimen ng militar tulad ng pagnanakaw ng manok at kagamitang pambukid, pagsira sa bahay, pagwasak sa mga panananim, at iligal na detensyon.
Halos pareho ang kalagayan sa mga bayan ng Las Navas at Catubig kung saan nakapakat naman ang 3rd IB, 20th IB at 19th IB. Bantay-sarado ang lahat ng dinadala ng mga magsasaka sa bukirin. Sa ilang baryo, bawal maglabas ng kahit isang lata ng bigas kung hindi ito luto at nakalagay sa baunan.
Sa Mapanas, Gamay at Palapag, higit na mas mahigpit ang paghaharing militar ng 74th IB. Ipinalilista ng mga sundalo ang eksaktong lugar na pupuntahan ng magsasaka at kinukunan sila ng litrato. Pinagbabawalan silang magdala ng bigas sa bukid at dapat ang sardinas na babaunin ay nakalagay sa baunan. Arbitraryong ipinatutupad ang mga lockdown sa tabing ng paghahawaan ng Covid-19 kahit hindi totoo.
Sa gabi, paisa-isang iniikot ang bawat bahay upang bilangin ang mga taong tumutuloy dito. Kung mag-iba ang bilang, papanagutin ang upisyal ng barangay. Tinitiktikan at sikretong pinapakinggan ang usapan ng mga tagabaryo sa kanilang mga bahay. Pinapalista sa mga tindahan ang lahat ng binibili dito para kanilang mabantayan.
Limang taon ng MO 32
Sa nakaraang limang taon, tumindi ang karahasang militar sa Eastern Visayas. Gamit ang Memorandum No. 32, apat na batalyon ang ipinakat sa rehiyon sa pagitan ng Disyembre 2022 at Pebrero para “gapiin” ang “natitirang apat na aktibong larangang gerilya” sa hilagang bahagi ng Samar. Dagdag ang mga ito sa tatlong brigada ng 8th ID na kasalukuyang pinamumunuan ni Maj. Gen. Camilo Z. Ligayo.
Kung tutuusin, wala nang batayan ang Memorandum 32 na unang ipinataw ng rehimeng Duterte noong noong Nobyembre 22, 2018. Ito ay dahil tinanggal na ang “state of national emergency” sa Mindanao noong Hulyo 27 na nagsilbing batayan nito.