Gaza, ginawang libingan ng mga bata
Nakapanayam ng Ang Bayan si Kasamang Coni Ledesma upang alamin ang pananaw ng Special Office for the Protection of Children ng National Democratic Front of the Philippines tungkol sa sitwasyon ng mga bata sa Gaza sa gitna ng walang habas at walang pinipiling mga atake ng Israel. Ayon sa iba’t ibang mga balita, mistulang libingan na ang Gaza ng mga bata, kung saan ‘di bababa sa 40% ng mga napatay na Palestino, at papalaki pa, ay mga bata.
Ang Bayan (AB): Kaugnay ng napapanahong pahayag ng NDFP SOPC hinggil sa pagmonitor at pagtiyak sa karapatan ng mga bata sa gitna ng mga armadong tunggalian, ano ang tindig ng NDFP sa patuloy na okupasyon at paglabag sa karapatang tao sa Gaza?
Coni Ledesma (CL): Malaon nang naninindigan ang NDFP para sa mga karapatan ng mamamayang Palestino para sa kanilang lupain. Ang kasalukuyang digmaang inilulunsad ng Hamas at mamamayang Palestino ay gera para sa pambansang paglaya.
Ang nangyayari ngayon sa Gaza ay genocide. Ang ginagawa ng Israel ay lantarang paglabag sa International Humanitarian Law.
At ang pinakamasahol na trahedya ay mga bata ang pinakamalaking biktima ng gerang ito. Tinatayang nasa 40% ng mga biktima. Hindi pa kasama rito ang mga bagong panganak na sanggol na nangamatay sa mga incubator dahil sa kawalan ng langis – langis na hindi pinapayagan ng Israel na makapasok sa Gaza.
Pinapatay ng gera sa Gaza ang kinabukasan ng mamamayang Palestino. Pero matatag ang mamamayang Palestino. Lagpas 75 taon na silang nakikibaka para makabalik sa kanilang lupa. Maaaring mapatay ng mga bomba ang daan-daan sa kanila, pero daan-daang higit pa ang babangon at ipagpapatuloy ang kanilang pakikibaka.
AB: Ano ang pagkakahalintulad at pagkakaiba ng sitwasyon ng mga bata sa gitna ng armadong tunggalian sa Pilipinas at Palestine?
CL: Ang mga Palestino ay pinalayas sa kanilang lupain. Sa isang bahagi, may pagkakahalintulad ito sa mga Lumad na napilitang lumikas sa kanilang mga lupain at tahanan dahil sa militarisasyon. Tulad ng mga Palestino, ang mga Lumad at iba pang mamamayang Pilipino sa kanayunan ay binobomba. Ang mga Palestino ay biktima ng pambobomba ng Israel at ang mga Pilipino sa kanayunan ay binobomba ng reaksyunaryong militar.
Ang pagkakaiba ay lahat ng mamamayan ng Gaza ang target ng pambobomba, istraping at pang-aaresto ng Israel. Mga ordinaryong mamamayan silang winasak ang mga tahanan at pinatay ang mga kapamilya. Sa kaso ng Pilipinas, ang target ng (pambobomba ng) militar ay mga mamamayan sa kanayunan na pinararatangang mga tagasuporta ng New People’s Army, at hindi ang mga mamamayan na nasa mga syudad.
AB: Ano ang mga hakbang na ginagawa ng NDFP upang mapatampok ang malulubha at masasahol na paglabag na ito sa lokal at internasyunal na antas?
CL: Naglabas ng pahayag ng pagkundena ang NDFP sa agresyon ng Israel. Naglabas din ng pahayag ang Special Office of the Protection of Children bilang pagkundena sa pagpatay sa mga bata sa Gaza. Naglabas na rin ng makailang pahayag ang PKP bilang pagkundena sa agresyon.
Bukod sa mga ito, ang mga pwersa ng NDFP sa Pilipinas at ibang bansa ay lumalahok sa iba’t ibang mga pagkilos laban sa genocidal war ng Israel.
AB: Ano ang dapat na gawin ng mga tagapagtanggol ng karapatan ng mga bata, tagapagtanggol ng karapatang-tao, mga mamamayang mapagmahal sa kalayaan at mga rebolusyonaryo sa Pilipinas at sa buong mundo sa harap ng papatinding mga Zionistang atake sa mamamayan at batang Palestino?
CL: Una sa lahat, minumungkahi kong magkaroon ng mga porum at iba pang mga talakayang magbibigay-impormasyon sa publiko tungkol sa mga dahilan sa likod ng pag-atake ng Israel sa mamamayang Palestino. Kailangang matalakay ang kasaysayan ng mga Palestino na pinalayas sa kanilang lupain. Marami pa rin ang naniniwala na ang Israel ang naagrabyado. Hindi nila alam na ang mga Palestino ay inagawan ng kanilang lupang tahanan at naninirahan ngayon sa isang okupadong teritoryo.
Nananawagan din ako sa lahat ng mamamayang mapagmahal sa kalayaan, hindi lamang sa Pilipinas kundi sa buong mundo, na lumahok sa mga pagkilos na nananawagan sa pagpapatigil sa gerang agresyon ng Israel. Tanging ang nagkakaisang tinig ng mamamayan ng daigdig ang makakapagpatigil sa gerang ito.