Mga protesta
Palayain ang Palestine! Higit 600 ang nagprotesta sa embahada ng Israel sa Bonifacio Global City, Taguig City noong Oktubre 31, para batikusin ang okupasyon, walang-tigil na pambobomba, at henosidyo ng Zionistang gubyerno ng Israel sa Gaza. Pinangunahan ang protesta ng International League of Peoples’ Struggles (ILPS) at Bagong Alyansang Makabayan (Bayan). Bago nito, nagprotesta ang mga Moro sa Maynila noong Oktubre 26 bilang bahagi ng serye ng mga protestang inilunsad sa Bangsamoro sa nakaraang mga linggo. Nagkaroon din ng protesta sa Cebu.
Ilitaw ang mga desaparesidos. Nagtipon ang mga pamilya, tagasuporta at grupo ng karapatang-tao sa Quezon City noong Nobyembre 2 para muling ipanawagan ang paglilitaw sa mga biktima ng sapilitang pagkawala ng estado. Sa ilalim ni Marcos Jr, 11 na ang naitalang desaparesido.
Protesta kontra taas-presyo ng petrolyo. Isang koordinadong protesta ng mga drayber at opereytor ng dyip ang isinagawa sa Metro Manila noong Oktubre 24 para batikusin ang muling pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa ika-13 pagkakataon mula noong Hulyo. Sa huling pagtataas, tinatayang umabot na sa ₱19/litro ang idinagdag sa diesel habang halos ₱14/liter ang nadagdag sa presyo ng gasolina at kerosene mula simula ng taon. Nagkaroon ng kasabay na protesta sa mga syudad ng Baguio at Cebu, at sa Iloilo at Bacolod isang araw bago nito.
Tamang kumpensasyon sa mga rider, ibigay. Daan-daang rider o mga tagadeliber ng kumpanyang Grab ang nagprotesta sa Quezon City noong Oktubre 25 para batikusin ang hindi makatarungang pagkakaltas ng ₱10 na kita nila kada deliberi. Dahil sa kaltas, ang dating ₱45 na minimum na kita nila kada deliberi ay magiging ₱35 na lamang. Kinundena rin ng grupo ang pagtanggal ng Grab sa siyam na drayber na lumahok sa asembleya noong Oktubre 19.