Armadong pagpupunyagi sa Gaza laban sa henosidyo ng Israel at US
Matapos ang 20 araw ng pagbabanta ng “todo-todong pananakop” sa Gaza, nilusob ng limitadong tropa ng Zionistang Israel ang hilagang bahagi ng lupain ng mga Palestino noong Oktubre 27. Sa kober ng malawakang pambobomba na tumarget sa mga kable at linya ng komunikasyon, buong yabang na pumasok ang mga tropang lulan ng mga tangke, buldoser, armored vehicle at iba pang sasakyang militar.
Sinalubong sila ng mga bomba, eksplosibo, mortar at granada ng mga mandirigma ng Izz ad-Din al-Qassam Brigades, ang armadong bisig ng grupong Hamas (Islamic Resistance Movement). Sa gitgitang mga labanan ng tangke laban sa mandirigma, ipinamalas ng al-Qassam ang malalim na kaalaman nito sa mga taktika at kagamitang Israeli.
Ayon sa tagapagsalita nitong si Abu Obeida, napasabog at nawasak ng al-Qassam ang di bababa sa 22 sasakyang militar sa unang 48 oras pa lamang ng pananakop. Sa pangalawang pagkakataon, nagulantang nito ang Israeli Defense Forces (IDF), na karamihan ay walang karanasan sa aktwal na kombat. Marami ang napatay sa IDF, kabilang ang kumander ng batalyon ng mga tangke.
Tiwala ang Hamas na magagapi nito ang anumang pwersang Israeli sa lupa kung saan superyor ang bentahe nito sa tereyn at suportang masa. Mabilis at lihim na nakapaglipat-lipat ang mga mandirigma nito gamit ang milya-milyang mga tunnel o lagusan sa ilalim ng Gaza. Ang mga tunnel na ito ay hindi nawawasak ng pambobomba, hindi maaaring pasukin ng mga tangke at may sariling sistema ng komunikasyon na hindi saklaw ng elektronikong sarbeylans ng Israel.
Ang Hamas ang naghaharing partido sa Gaza. Produkto ito ng unang intifada o pag-aaklas ng masa noong 1987 at may malapit na ugnayan sa ibang Islamikong grupo sa Middle East. Noong 2006, nahalal itong tagapamahala ng Gaza. Hindi nito binitawan ang armadong paglaban bilang pangunahing sandata laban sa brutal na pananakop ng Israel. Sa nagdaang mga taon, nagpaunlad ito ng sariling produksyon ng mga mortar, rocket-propelled grenade (RPG), sasakyang pangsisid, drone at iba pang armas.
Katuwang ng mga operasyon ng Hamas ang ibang mga armadong grupo sa Gaza tulad ng Al-Quds Brigade, Islamic Jihad at Popular Liberation Front of Palestine.
Una nang ginulantang ng al-Qassam ang Zionistang Israel nang ilunsad nito ang Al-Aqsa Flood noong Oktubre 7. Hindi napigilan, o natiktikan man lamang, ng mga abanteng sistema ng sarbeylans, drone, kagamitang elektroniko, mga satelayt at kahit ng araw-araw na pang-aatake ng mga pwersang Israeli ang sorpresang atakeng ito.
Ayon kay Obeida, produkto ang operasyon ng ilang taong paghahanda at pagsasanay, pag-aaral sa katangian at kagamitan ng kaaway, at panlalansi sa dambuhalang sistema ng paniktik nito. Planado, mabilis at malinaw ang mga layunin ng pang-aatake na isinagawa mula sa lupa, tubig at maging sa ere gamit ang mga paraglider.
Bilang ganti sa kahihiyang natamo sa operasyon, naghuramentado ang Israel. Katuwang ang US, pinakawalan nito ang pinaigting na kampanyang henosidyo sa sibilyang populasyon ng Gaza. Noong Nobyembre 2, nasa 25,000 toneladang bomba na ang ibinagsak ng US at Israel sa Gaza, katumbas ng dalawang bombang nukleyar. Walang awat ang pangwawasak nito sa mga bahay, ospital, paaralan, simbahan, sentro ng ebakwasyon at mga imprastruktura ng tubig, kuryente at telekomunikasyon.
Mula Oktubre 7, mahigit 10,000 na ang napatay sa pambobomba ng Israel, higit 4,100 mga bata at higit 2,600 kababaihan. Mahigit 500 na ang mga masaker ng buu-buong pamilya. Walang ligtas sa Gaza, target maging ang mga mamamahayag at mga ambulansya.
Kasabay ng pambobomba ang pag-hostage ng Israel sa mga sibilyang Palestino. Nasa 4,000 manggagawang Palestino ang hinostage nito sa mga kampo militar ng IDF. Umaabot naman sa 1,070 ang arbitraryong inaresto sa West Bank at East Jerusalem. Dumaranas sila ng matitinding tortyur, pambubugbog, pagpapahiya at pananakit sa kamay ng mga sundalo at armadong setler na Israeli.
Sa kabila ng terorismo ng Israel, nagpahayag ang Hamas ng kahandaan na palayain ang lahat ng mga binihag nito sa Al-Aqsa Flood sa pamamagitan ng negosasyon. Sa aktwal, nagpalaya na ito ng mga babae, bata at matatanda sa makataong mga batayan. Ibinunyag mismo ng mga napalaya ang maayos at patas na pagtrato sa kanila ng mga mandirigma.