Iligtas ang Cancabato Bay sa reklamasyon
Sampung taon mula nang wasakin ng storm surge na dala ng superbagyong Yolanda ang syudad ng Tacloban, wala pa ring signipikanteng hakbang ang lokal na gubyerno para iwasang maulit ang sakuna. Sa halip, nagtulak pa ito ng proyektong reklamasyon na hindi lamang kabaligtaran sa paghahanda, kundi wawasak sa buong ekosistema ng Cancabato Bay at papatay sa kabuhayan ng maraming mangingisdang nakaasa rito.
Natambak sa look ang maraming kalat tulad ng mga sirang bahay, gamit at sasakyan na iniwan ng storm surge. Umapekto ito sa naaning isda at yamang dagat. Pero imbes na hawanin at linisin ang look, naging solusyon ng lokal na gubyerno ang tuluyan itong tambakan at patayin.
Taong 2015 unang itinulak ng lokal na gubyerno ng Tacloban ang ₱3.46-bilyong proyektong Tacloban Causeway Project bilang pampigil diumano ng storm surge, solusyon sa trapiko, at pampalago ng turismo. Kasama ito sa iba pang proyektong tulay at kalsada sa Samar at Leyte na itinulak Japan International Cooperation Agency. Bahagi ng pondong gagamitin sa konstruksyon ang mga utang ng Asian Development Bank at iba pang imperyalistang institusyon.
Target ng proyekto na maglatag ng 2.6-kilometrong haba at mahigit apat na metrong taas na causeway o nakaangat na sementadong daan sa embankment o baybay ng look mula sa sentro ng syudad (Magsaysay Blvd.) tungong Barangay San Jose (Kata-isan Point). Para magawa ito, tatambakan ng bato at lupa ang malalambot na bahagi ng baybay para maging tuntungan ng kalsada. Para hindi lubusang maharang ang daloy ng tubig, maglalagay ng mga culvert sa limang estratehikong pwesto ng istruktura.
Simula pa lamang ng proyekto, mariin na itong tinutulan ng apektadong mga residente at mangingisda. Hahawanin nito ang baybay kung saan nakapwesto ang kanilang mga bangka at pati na rin mga bahay. Batid nilang hindi ito kaiba sa patakaran ng syudad noong 2013 na “40-meter no build zone” o pagbabawal na magtayo ng bahay sa 40 metro mula sa baybay na nagpalayas sa kanila mula sa kanilang mga komunidad. Imbes na tunay na rehabilitasyon, ginamit ng gubyerno at kasabwat nitong dayuhang bangko ang bagyo para agawin sa mga mangingisda ang kanilang lupa, pati na rin ang baybay at look.
Ayon sa Save Kankabatoc Advocacy, isang alyansa ng mga residente, mangingisda at mga maka-kalikasang grupo, walang batayan ang sinasabi ng JICA at lokal na gubyerno na mga “benepisyo” at “pagtitipid” na matatamasa ng mga Taclobanon mula sa causeway at reklamasyon.
Hindi pipigil sa anumang storm surge ang causeway, ayon sa grupo. Ni wala ito sa tamang lokasyon. Sa halip, babarahin nito ang pagdaloy ng tubig palabas sa syudad na maaaring magresulta sa mas madalas at di huhupang mga pagbaha. Ipagkakait nito ang kabuhayan sa mahigit 1,000 mangigisda at kanilang mga pamilya. Hindi rin ito makareresolba sa trapiko dahil tumanggi nang pumasada ang mga drayber dito. Anila, wala namang silang makukuhang pasahero sa kahabaan nito. Malaking parte din ng kultura at kasaysayan ng Tacloban ang look.
Batid ng grupo na bahagi ang causeway sa mas masaklaw at masamang plano ng lokal na gubyerno na i-reclaim o tambakan ang 400 ektarya ng Cancabato Bay at “itransporma” ito sa sentral na distritong pangnegosyo. “Papatayin nito ang look, at ang buong ekosistema dito para bigyan-daan ang pagtatayo ng mga gusali at komersyal na sentro na pakikibangan pangunahin ng dayuhang negosyo,” anito.
Hindi “patay” ang Cancabato Bay, tulad ng ipinipilit ng gubyerno para bigyan-katwiran ang mga proyektong reklamasyon. Noong 2003, idineklara pa ito ng lokal na konseho ng syudad bilang isang protektadong reservation area. Katunayan, may 3,649 mangingisda mula sa 16 barangay ang nabubuhay dito. Nagtataglay ito ng danggit, tahong, seashell, alimango at iba pang yamang dagat. Mayroon itong natitirang 26 ektaryang bakawan.
Noong Oktubre 1 lamang, ipinatigil ng lokal na upisina ng Department of Environment and Natural Resources ang lahat ng operasyong reklamasyon sa look dulot ng kawalan ng angkop na mga permit nito at pagkasira ng protektadong bakawan. Sa kabila nito, patuloy na ipinagtatanggol ng meyor ng syudad na si Alfred Romualdez ang proyekto.