Badyet panggera at pandarahas, patuloy na lumolobo
Palaki nang palaki ang inilaang badyet ni Marcos para sa kanyang instrumento ng terorismo ng estado. Sa panukalang badyet ni Marcos para sa 2025, kapuna-puna ang planong 51% na dagdag na kabuuang badyet para sa militar, mula sa ₱278.1 bilyong ngayong 2024 tungong ₱419.3 bilyon sa 2025. Malaking bahagi nito ay mapupunta sa Armed Forces of the Philippines na makatatanggap ng ₱242.8 bilyon.
Halos lahat ng sangay ng AFP ay makakatanggap ng dagdag-badyet sa 2025, pinakamataas ang Philippine Navy, na lalaki mula ₱41.4 bilyon tungong ₱49 bilyon. Ganito rin para sa Philippine Army na makakatanggap ng dagdag ₱1.8 bilyon, at Philippine Air Force, na makakatanggap ng dagdag ₱4.6 bilyon.
Malaki rin ang magiging pagtaas sa pondo ng Revised AFP Modernization Program (RAFPMP), na nakatakdang makatanggap ng 25% dagdag-badyet, mula ₱40 bilyon tungong ₱50 bilyon. West Philippine Sea ang ginagawang rason para sa nasabing pagtaas. Sa RAFPMP kinukuha ng militar ang pambili ng iba’t ibang armas na ginagamit nito sa paghahasik ng terorismo sa kanayunan, gaya ng pagbili ng ilang bats ng Elbit drone systems sa Israel, attack helicopter, mga barkong pandigma, at radar systems sa nagdaang mga taon. Balak ng AFP bumili ng mga bagong FA-50PH light jet fighters mula sa South Korea gamit ang pondo sa 2025.
Sa pandigmang postura nito sa West Philippine Sea, bubuhusan din ng pondo ang Philippine Coast Guard na makatatanggap ng ₱31.3 bilyon, na gagamitin umano para sa pagtatayo ng ospital (₱386 milyon), pagtatayo ng West and South Navigational Tele Project (₱452 milyon), at Radar for Cebu Vessel Traffic Management System (₱37 milyon).
Nakabaon sa libu-libong pahina ng badyet ng reaksyunaryong gubyerno ang plano nito para sa taunang pagbili ng 120,000 set ng uniporme ng mga sundalo at halos 110,000 set ng combat boots mula 2025 hanggang 2029, na may kabuuang halagang ₱3.77 bilyon.
Samantala, malaki rin ang pag-igpaw ng badyet ng Philippine National Police (PNP , na lolobo mula sa kasalukuyang ₱198.3 bilyong badyet tungong ₱206.2 bilyon. May laang ₱581 milyon para magrekrut ng 2,000 bagong pulis. Naglaan din ng ₱450 milyon para magtayo ng dagdag na 37 istasyon ng pulis sa bansa.
Hindi rin nagpapahuli ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na nilaanan ng ₱7.8 bilyon para sa Barangay Development Program nito, na malaon nang nabistong porma ng pork barrel ng mga heneral.
May ₱4 bilyong badyet din sa susunod na taon ang Philippine Drug Enforcement Agency para sa pagpapatuloy sa madugong drug war.
Patuloy ring nilalaanan ang confidential and intelligence funds (CIF), na may kabuuang ₱10.3 bilyong badyet. Aabot sa ₱5.9 bilyon dito ang para sa intelligence funds, o pondong paniktik para sa mga unipormadong ahensya, at ₱4.4 bilyon naman para sa confidential funds, na pondong paniktik para sa mga sibilyang ahensya. Ipinagmamalaki ni Marcos na mas maliit ang badyet ng confidential funds dahil inalis ang badyet para dito sa ilang ahensya gaya ng Office of the Vice President.
Gayunman, ang hindi binabanggit ng reaksyunaryong gubyerno ay kung paano nito madaling nalalaro ang pondo para sa CIF nang walang nakapapansin. Sa panukala noong 2024, ₱5.3 bilyon lamang inilaan para sa intelligence funds, pero nang maging batas, biglang nadagdagan ito ng ₱2.9 bilyon tungong ₱8.3 bilyon.
Habang bundat na bundat ang pondo ng militar at pulis, nahaharap naman sa malalaking pagkaltas ang mga ahensya ng reaksyunaryong gubyerno na dapat sana’y nagbibigay ng direktang serbisyo, kabilang na ang Department of Health na may ₱23.4 bilyong kaltas, Department of Labor and Employment (₱14.4 bilyon), Department of Social Welfare and Development (₱18.4 bilyon), at kahit state universities and colleges na kakaltasan ng ₱19.2 bilyon.
Isa sa pinakamalaking kakaltasin ay ang pondo para sa mahihirap na pasyente para sa kanilang gastos pang-ospital (₱31.2 bilyon).