Mga West Papuan, pinananagot ang Indonesia sa karahasan at pagwasak nito sa kalikasan
Libu-libong mamamayang Papuan ang nagprotesta noong Agosto 15 sa mga syudad sa West Papua para batikusin ang nagpapatuloy na karahasan, pananakop at pandarambong ng Indonesia sa kanilang teritoryo. Itinaon nila ang pagkilos sa paggunita sa ika-62 anibersaryo ng iligal na pang-aagaw at pagsakop ng Indonesia sa West Papua.
Tulad sa maraming pakakataon sa nakaraan, binuwag ng mga pwersa ng estado ang mga rali. Pinagbababaril gamit ang rubber bullet at tinirgas ang mga nagprotesta. Sa Nabire, kapitolyo ng prubinsya ng Central Papua, nasugatan ang isang raliyista habang iligal na inaresto ang 95 katao. Dinahas rin ang mga pagkilos sa lima pang sentrong syudad.
Karaniwan na ang karahasan ng mga pwersa ng Indonesia laban sa mga Papuan na nakikibaka para sa pambansang paglaya at sesesyon (paghihiwalay sa Indonesia bilang bansa). Noong 2023, hindi bababa sa 76,000 Papuan ang napilitang lumikas dahil sa karahasang militar.
Sa unang hati ng 2024, naitala ng mga grupo ang higit 266 biktima sa 39 kaso ng paglabag sa karapatang-tao. Karaniwan itong karugtong ng pagpasok ng mga pribadong kumpanya sa mga lupang ninuno ng mga Papuan.
Sa panahong ito, siyam ang pinaslang ng armadong pwersa ng Indonesia at pinalabas na mga kasapi ng West Papua National Liberation Army. Mayroong 12 biktima ng tortyur at 98 ang arbitraryong ikinulong. Puu-puo ang tinakot at pinagbantaan.
Kabi-kabila rin ang pambubuwag sa mga protesta sa West Papua at maging sa mga rali sa Indonesia na sumusuporta sa pakikibaka ng mga Papuan. Bawal kahit ang simpleng pagwawagayway o pagkakaroon ng bandila ng West Papua.
Permanent People’s Tribunal
Noong Hunyo 27-29, isinagawa sa London, United Kingdom ang kauna-unahang Permanent People’s Tribunal (PPT) hinggil sa West Papua. Napatunayan dito na mayroong pananagutan ang Indonesia sa malawakang paglabag sa karapatang-tao at pagwasak sa kalikasan sa West Papua.
Sa pangunguna ng Climate Crime and Climate Justice, kasama ang Indigenous Peoples’ Movement for Self-Determination and Liberation at 13 iba pang lokal at internasyunal na mga organisasyon, isinampa ng mga organisasyong Papuan sa PPT ang apat na reklamo laban sa estado ng Indonesia. Isinampa dito ang pagnanakaw sa mga lupang ninuno, marahas na panunupil para isagasa ang mga industriya, sistematikong pagwasak sa kalikasan at pakikipagsabwatan sa dayuhang mga gubyerno at korporasyon para isagawa ang mga naunang krimen.
Hatol ng tribunal, pwersahang inagaw ng estado ng Indonesia ang lupa ng katutubong Papuan sa pamamagitan ng diskrimasyon sa kanilang lahi, na nagresulta sa pagkawasak ng kanilang kultura at marahas na panunupil, kabilang ang iligal na detensyon, ekstrahudisyal na pamamaslang, pagpapalayas at pagkasira ng kalikasan.
Kasaysayan ng West Papua
Ang West Papua (dating Netherlands New Guinea) ay nasa timog-silangan ng Pilipinas. Bahagi ito ng noo’y Dutch East Indies (ngayo’y Indonesia) na kolonya ng The Netherlands mula 1880. Nang kilalanin ng Dutch ang independensya ng Indonesia noong 1949, inangkin nito ang West Papua para tiyakin ang pang-ekonomyang interes sa rehiyon.
Noong Agosto 15, 1962, ipinakana ang New York Agreement, sa pagitan ng The Netherlands at Indonesia, na nagbuo ng pansamantalang tagapamahalang awtoridad ng United Nations sa West Papua. Nakasaad din ang posibleng paglilipat ng awtoridad sa Indonesia kasunod ang isang reperendum para sa sariling pagpapasya ng mga Papuan.
Inilunsad ng Indonesia ang huwad na reperendum kung saan pinapili ang mga Papuan kung nais nilang magpailalim sa republika ng Indonesia. Pumili ang mga sundalong Indonesian ng 1,024 Papuan, wala pang 1% ng buong populasyon, bilang kalahok sa reperendum at sapilitang pinaboto sila para sa integrasyon.
Sa harap nito, sumibol ang kilusang magpaglaya at pagtataguyod sa karapatan sa sariling pagpapasya sa West Papua. Noong Disyembre 1963, nabuo ang Organisasi Papua Merdeka (Organisasyon para sa Malayang Papua), isang malapad na kilusan ng mga grupo para sa paglaya ng Papua. Tumatayo bilang armadong pwersa nito ang West Papua National Liberation Army.