Pandaigdigang Araw ng mga Katutubo, ginunita sa mga protesta

,

Ginunita ng mga grupong katutubo sa iba’t ibang panig ng Pilipinas ang Pangdaigdigang Araw ng mga Katutubo noong Agosto 9. Sa pangunguna ng Katribu Kalipunan ng Katutubong Mamamayan ng Pilipinas, kasama ang mga grupong pambansa-demokratiko at maka-kalikasan, dinala nila sa Camp Aguinaldo, at mga upisina ng Department of Environment and Natural Resources, at National Commission on Indigenous Peoples ang kanilang mga hinaing.

Kinundena nila ang AFP sa militarisasyon, pambobomba, panggigipit nito sa mga komunidad ng katutubo. Iginiit naman nila sa DENR ang karapatan ng mga pambansang minorya sa lupang ninuno at sariling pagpapasya sa harap ng patuloy na pagbebenta sa dayuhan ng ating likas yaman at militarisasyon ng kanilang komunidad. Kinundena nila ang ahensya sa pakikipagsabwatan sa malalaking kumpanya sa mina at dam na sumisira sa kalikasan at nagpapalayas sa kanila mula sa kanilang mga lupa.

Sa NCIP, pinanagot nila ang ahensya sa walang lubay na pagpapabaya nito sa mga komunidad katutubo. Siningil nila ang ahensya sa kainutilan nito sa harap ng malawakang paglabag sa karapatang-tao ng mga tagapagtanggol ng mga katutubo, tulad nina Dexter Capuyan at Bazoo de Jesus, at ang di makatarungang paghatol na nagkasala sa Talaingod 13. Binatikos din nila ang ahensya sa pagbabago nito sa proseso ng pagkuha ng FPIC nang di kinokonsulta ang mga katutubo. Gayundin, siningil nila ang ahensya sa mahigpit na pakikipag-ugnayan nito sa NTF-Elcac, na instrumento sa maraming paglabag sa karapatang-tao ng mga pambansang minorya.

Pandaigdigang Araw ng mga Katutubo, ginunita sa mga protesta