Pang-aagaw ng lupa ng mga Consunji sa Negros Occidental
Hinaharap ngayon ng mga residente sa timog ng Negros Occidental ang banta ng pagpapalayas sa gitna ng planong paglalatag ng plantasyong oil palm ng pamilyang Consunji. Marami sa mga pamilya dito ang nakatira at nagsaka sa lugar sa nakaraang 60-70 taon.
Inaagaw ng Hacienda Asia Plantations Incorporated (HAPI), sosyohan ng Sirawai Plywood and Lumber Corporation ng pamilyang Consuji at ni Alfred Joseph Araneta, ang 6,652.32 ektaryang lupa. Saklaw nito ang ilang barangay sa Candoni at Hinobaan para sa ₱2 bilyong proyektong plantasyon.
Ang naturang lupa ay klasipikado bilang forest land (kagubatan) at ang 4,000 ektarya nito ay lupang ninuno ng katutubong Ati. Sa pakikipagsabwatan sa lokal na gubyerno ng Candoni at Department of Environment at Natural Resources (DENR), isinagasa ng mga Consuji ang planong plantasyon sa lupang pampubliko.
Mismong ang mga lokal na upisyal ang naglako sa “benepisyo” na umano’y ihahatid ng plantasyon sa kanilang bayan at mamamayan. Sadyang minaliit nila ang malulubhang apekto nito sa buhay at kabuhayan ng mga magsasaka at katutubo na sasaklawin nito.
Napasakamay ng mga Consuji ang lupa sa pamamagitan ng isang Integrated Forest Management Agreement (IFMA) na pinasok nito at ng DENR noong 2009. Ang IFMA ay isang mekanismo ng kagawaran para ibigay sa pribadong mga kumpanya ang ekslusibong karapatan para “paunlarin, pangasiwaan, protektahan at gamitin” ang isang takdang erya ng kagubatan at mga rekurso dito. Pinahihintulutan ito sa loob ng 25 taon at maaaring palawigin nang dagdag na 25 taon.
Nobyembre 2022 pa nang inianunsyo mismo ng mga Consuji ang plano nitong pumasok sa bagong pamumuhunan sa agrikultura kabilang ang plantasyong oil palm. Target nitong saklawin ang Visayas at Mindanao at planong maging mayor na mamumuhunan sa larangang ito.
Perwisyo sa mga magsasaka
Habang ganansya para sa mga Consuji, ang plantasyong oil palm ay walang ibang idudulot sa masang magbubukid kundi perwisyo. Noong huling linggo ng Hulyo, sinimulan na ang agresibong pagpapalayas sa mga residente sa saklaw na mga barangay.
Ayon sa grupo ng mga magbubukid sa Barangay Gatsulao sa Candoni, hindi bababa sa 1,000 magsasaka at kanilang pamilya, kabilang ang mga katutubo, ang posibleng mapalayas dahil sa plantasyon. Sa katunayan, kinalbo na ng kumpanya ang 100 ektarya ng lupa sa erya at tinaniman na ng oil palm.
Mahigpit itong tinutulan ng mga magsasaka na nagbabalak na magsampa ng Writ of Kalikasan, isang ligal na remedyo para ipahinto ang plantasyon. Naninindigan silang mananatili sa lupa at ipagtatanggol ang kanilang karapatan dito.
Sa ulat mismo ng kumpanya, mayroon itong inihandang 870,000 punla ng oil palm sa nursery nito sa Barangay Gatuslao. Matapos ang 10 hanggang 12 buwan ay itatanim na ito sa kinamkam na lupain. Nakatakda ring itayo ng mga Consuji sa 2026 ang isang planta para sa pagproseso ng palm oil.
Sa karansan sa ibang prubinsya, tulad sa Palawan, masaklap ang sinapit ng mga komunidad na ginawang plantasyon ng oil palm. Inireklamo ng mga magsasaka ang pagiging matakaw sa tubig ng mga ito na nakapipinsala sa katabi nitong mga sakahan. May ilang pagkakataon pang nalalason ang lupa at hindi na magamit para sa ibang tanim dahil sa pestisidyong ginagamit sa oil palm.
Magdudulot din ang mga plantasyon ng malawakang pagkakalbo sa kagubatan at bundok, pagguho ng lupa, posibleng sakit sa mga residente at iba pang masasamang epekto.
Sa mga katulad na plantasyon sa Mindanao at Palawan, napakababa ng pasahod ng mga kumpanya sa oil palm. Wala silang mga benepisyo at laging nasa panganib ang kanilang trabaho. Nakapako sa napakababang antas ang sahod ng mga manggagawang-bukid. Sa kaso sa Palawan, umabot lamang sa ₱120-₱150/araw ang pasahod noong 2005, ₱130-₱180/araw noong 2009 at ₱215/araw noong 2014 sa mga manggagawa sa plantasyon ng oil palm. Sa isang pag-aaral noong 2012, tinatayang nasa 27% ng mga manggagawa sa mga plantasyong ito ay mga bata, edad 5-17.