Walang tigil na karahasang militar sa Northern Samar

,

Walang lubay ang paghaharing militar ng 74th IB sa maraming bayan ng Northern Samar. Kabi-kabilang mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao ang patuloy na naitatala dito sa nagdaang mga linggo.

Sa Palapag, dinakip at pinatay ng 74th IB si Ryan Arnesto sa Sityo Canonghan, Barangay Osmeña habang nasa koprasan noong Hulyo 8. Lamog sa bugbog at halos hindi makilala ang bangkay ni Arnesto dahil sa pamamaga at mga hiwa ng kutsilyo sa kanyang mukha, mga braso at binti. May tama rin siya ng bala sa leeg, sa ilalim ng dibdib at sa bahaging tagiliran.

Ayon sa saksi, iginapos ng mga sundalo si Arnesto sa puno ng niyog, tinalian at hinila ang ulo, bago niratrat ng bala. Parang hayop na kinaladkad ng mga ito ang bangkay patungo sa katabing Barangay Bagacay.

Kasabay na dinakip ng mga sundalo ng 74th IB sa naturang sityo si Marlo Turbanada, isang kabataang magsasaka. Ipinailalim siya ng mga sundalo sa matinding pisikal at mental na tortyur. Arbitraryo siyang idinetine at sapilitang pinaggigiya sa mga operasyong kombat ng militar.

Sa ibang bahagi ng bansa, naitala ang sumusunod na mga kaso ng mga paglabag:

Pag-aresto. Arbitraryong inaresto ng mga pwersa ng estado ang dating pangkalahatang kalihim ng Karapatan-Southern Midanao na si Jayvee “Jay” Apiag noong Agosto 13 sa Digos City. Kinasuhan siya ng bigong pagpatay.

Panggigipit. Muling tinakot at pinagbantaan ng NTF-Elcac ang lider-estudyante at tagapagtanggol ng karapatang-tao sa Cavite na si Paolo Tarra. Paulit-ulit na pinuntahan ng mga ahente nito ang bahay ng kanyang pamilya noong Agosto 4 at tinakot na sasampahan ng kasong “terorismo.” Binantaan rin siyang dudukutin kung hindi titigil sa progresibong mga aktibidad.

Demolisyon. Sa Tarlac City, anim na bahay ng mga magsasaka sa Barangay Central, sakop ng Hacienda Luisita, ang giniba noong Agosto 12 ng mga tauhan ng tinaguriang “Luisita warlord trio.” Ang “trio” na ito ay ang mga pamilyang Lorenzo, Cojuangco at Ayala. Pinalalayas sa naturang barangay ang humigit-kumulang 989 pamilya para bigyang daan ang ₱18 bilyong proyekto ng Ayala Land Inc. na sasakop sa 290 ektaryang lupa dito.

Sa Bataan, hindi bababa sa 26 na pamilya ng mga mangingisda ang napalayas sa demolisyon sa Sityo Kabilang Ilog, Barangay Capunitan, Orion noong Agosto 12. Ang komunidad, na nakaharap sa Manila Bay, ay bumabangon pa lamang mula sa epekto ng oil spill at kamakailang bagyong Carina at pag-ulan dulot ng habagat. Pinalalayas sila para sa balak na negosyong itayo sa lugar.

Sa Masbate, iligal na nagputol ng punong kahoy ang mga sundalo ng 2nd IB sa komunidad ng mga magsasaka sa Hacienda Mortuegue-Larrazabal noong Agosto 4. Ang asyenda ay saklaw ng mga barangay ng Tubog sa Pio V. Corpuz at Tawad sa bayan ng Esperanza. Ginagamit itong taktika ng 2nd IB at panginoong maylupa para itaboy at palayasin ang mga magbubukid sa asyenda.

Walang tigil na karahasang militar sa Northern Samar