Pilipino-Amerikanong aktibista, nasugatan sa West Bank

,

Nasugatan sa walang habas na pamamaril ng mga pwersang militar ng Zionistang Israel si Amado Sison, aktibistang Pilipino-Amerikano, habang kumukuha ng bidyo sa protesta sa Beita, West Bank sa okupadong lupain ng Palestine noong Agosto 9. Ayon sa kanya, tumakbo sila nang buwagin ang protesta at doon siya binaril sa hita. Gumamit rin umano ng tear gas ang mga pwersa ng Israel.

Ang pagsalakay sa protesta ay kasunod ng walang-tigil na pag-atake ng Zionistang Israel, sa suporta ng imperyalismong US, sa mga Palestino sa Gaza Strip at okupadong teritoryo sa West Bank.

Mula Agosto 15, 15,000 ang nagprotesta sa Chicago sa pagbubukas ng pambansang pagpupulong ng partidong Democrat para ipanawagan sa kandidato nitong si Kamala Harris na manindigan laban sa henosidyo. Nitong Agosto rin, tuluy-tuloy ang dambuhalang mga rali na maka-Palestine sa France, United Kingdom, Sweden at Spain.

Sa huling tala noong Agosto 18, lampas 40,000 na ang pinaslang ng Israel na mga Palestino sa Gaza Strip at West Bank. Halos 100,000 naman ang naitalang nasugatan sa mga pag-atake nito at daan-daang libo na ang napalayas sa kanilang lupain.

Pilipino-Amerikanong aktibista, nasugatan sa West Bank