Protesta

,

 

3-araw na tigil pasada kontra jeepney phaseout, muling umarangkada. Muling naglunsad ng tigil pasada sa Metro Manila noong Agosto 14-16 ang mga tsuper at opereytor ng mga dyip laban sa kontra-mahirap at makadayuhang programang “modernisasyon” sa transportasyon. Binatikos nila si Ferdinand Marcos Jr sa pagtangging dinggin ang resolusyon ng Senado na nagmungkahing isuspinde ang programa para tugunan muna ang mga usapin na inirereklamo ng mga tsuper at opereytor. Pinirmahan ito ng lahat ng senador liban kay Risa Hontiveros ng Akbayan. Pinangunahan ang tigil-pasada ng Piston at Manibela.

MATATAG kurikulum, ipinababasura. Nasa 100 guro at manggagawa sa edukasyon sa ilalim ng ACT ang nagprotesta sa harap ng DepEd sa Pasig City noong Agosto 15 para ipanawagan ang kagyat na pagbasura sa MATATAG kurikulum. Anila, sobra-sobrang trabaho at pahirap ang idinudulot nito sa mga titser, na pinatitindi ng kakarampot na dagdag-sweldo ng rehimeng Marcos. Puna nila, basta ipinatupad ang kurikulum ngayong school year nang walang sapat na pagtatasa sa krisis ng pagkatuto at tunay at demokratikong konsultasyon sa mga guro at mga manggagawa sa edukasyon. Pinapagod nito ang guro sa labis-labis na mabigat na trabaho at pinaiksing oras kada larangan ng pagkatuto.

Petisyon para sa writ of amparo at habeas data, inihain sa Korte Suprema. Nagpiket sa harap ng Korte Suprema sa Maynila ang mga pamilya ng mga desaparecido na sina Dexter Capuyan at Gene Roz Jamil de Jesus (Bazoo) at kanilang mga abugado noong Agosto 14 matapos maghain ng writ of amparo at writ of habeas data sa korte. Isinampa ito ng mga kaanak ng mga biktima matapos ibasura ng Court of Appeals ang naunang petisyon noong Setyembre 2023.

Panunupil sa mga lider-estudyante. Sa Tacloban City, marahas na binuwag ng mga pulis ang kilos-protesta ng mga lider-estudyante ng UP noong Agosto 16. Nasa syudad sila para sa taunang pagtitipon ng mga konseho ng mga mag-aaral ng UP. Sa protesta, kinaladkad ng mga pulis at pinosasan ang isang lider-estudyante. Kinordon naman ng mga pulis at pinigilang lumabas nang dalawang oras ang may 100 estudyante.

Protesta