Pagpupugay sa mga martir ng Agosto sa Panay
Pinagpupugayan at kinilala ng Partido Komunista ng Pilipinas, Bagong Hukbong Bayan (BHB), at buong rebolusyonaryong kilusan at masa ang 10 kadre ng Partido at Pulang hukbo na namartir sa serye ng mga depensibang aksyon noong una hanggang ikalawang linggo ng Agosto sa Lambunao at Calinog sa Iloilo.
Ang mga nabuwal na rebolusyonaryo ay nagmula sa iba’t ibang henerasyon ng mga manggagawa, magsasaka at kabataang estudyante. Kinilala ang mga namartir bilang sina Benjamin Cortel (Mamang/Ruby) na nabuwal sa Barangay Aglonok noong Agosto 5, Jose Jerry Takaisan (Miller) na namartir sa Barangay Cabatangan noong Agosto 7 at sina Romulo Ituriaga Gangoso (Pedik/Regan), Armando Rogelio Sabares (Nene/Kulot), Aurelio “Boy” Bosque (Rio/Zarko/Baijan), Jovelyn Silverio (Akay/Purang), at Jielmor Gauranoc (Tango/Doc) na nabuwal sa Barangay Aglonok noong Agosto 8.
Naganap ang magkakasunod na mga labanan sa hangganan ng Janiuay, Lambunao at Calinog sa Iloilo, Valderama sa Antique at Libacao sa Aklan. Ang mga lugar na ito ay matagal nang ipinaiilalim sa focused military operation kung saan ibinubuhos ang napakaraming pwersa ng CAFGU, mga pulis at sundalo na 12th IB, 82nd IB, 61st IB at DRC sa ilalim ng 3rd ID.
Samantala, tinitiyak pa ang pagkakakilanlan ng tatlong iba pang namartir na inanunsyo ng AFP na sina Vicente Hinojales (Ka Emil), kalihim ng rehiyunal na komite ng Partido sa Panay at kagawad ng Komite Sentral; Concepcion Araneta-Bocala (Ka Concha), konsultant sa usapang pangkapayapaan; at Rewilmar Torrato (Ka Vivian).
Mayroong matibay na ebidensya na ang mga biktima ay nadakip at pinahirapan habang nasa kustodiya ng militar. Ito ay batay sa mga saksak at pasa sa katawan at nakagapos na mga paa ng ilang labi na nakuha ng mga pamilya.
Sinindak at tinangka pa ng mga sundalo na pigilan ang mga kamag-anak na bawiin ang mga labi ng kanilang mga mahal sa buhay. Inaalok ang mga pamilya ng “suportang pampinansya” kapalit ng hindi pagsasampa ng kaso.