Dambuhalang presensyang militar ng US sa South China Sea
Linggo-linggo, laman ng balita sa Pilipinas ang presensya ng mga barkong pangisda, nabal at coast guard ng China sa ilang bahagi ng exclusive economic zone (EEZ) nito at kalakhan ng South China Sea (SCS). Sa kabilang banda, bihirang ibalita ang dambuhalang presensya ng mga pwersang militar ng US sa karagatang ito, liban kung may malakihang war games kasama ang Armed Forces of the Philippines. Higit dito, hindi sinusubaybayan ang mahabang pamamalagi ng mga pwersang Amerikano sa rehiyon at ang nagpapatuloy na paglaban ng mga mamamayan sa Asia sa presensya nito.
Mula 1943, permanenteng nakaistasyon ang 7th Fleet ng US sa Southeast Asia. Saklaw ng operasyon nito ang Indian Ocean at West Pacific, kasama ang South China Sea. Naka-istasyon ito sa Subic Bay sa Zambales mula 1945 hanggang ibasura ng Senado ng Pilipinas ang Military Bases Agreement noong Setyembre 16, 1991. Inilipat ang base ng 7th Fleet sa Yokosuka, Japan sa kabila ng malawak na pagtutol dito ng mamamayang Japanese.
Mula dekada 2010, unti-unting ibinaling ng US ang 60% ng mga aset nitong nabal tungo sa Asia para gamitin laban sa diumano’y operasyong “anti-access/area denial” (A2/AD) ng karibal nitong imperyalistang China. Sa tabing ng mga karapatan at kalayaan sa paglalayag ng lahat ng bansa (rights and freedoms of all nations to navigation), ipinaarangkada nito ang militaristang “freedom of navigation operations” (fonops) para igiit ang walang sagkang paglabas-masok ng malalaking barkong pandigma, submarino at eroplanong pambomba nito sa mga EEZ ng mga bansang nakapalibot sa SCS. Kabilang dito ang Taiwan Strait na itinuturing ng China na teritoryong pandagat nito. Iginigiit ng US ang karapatan ng mga barkong pandigma nito sa “inosenteng pagdaan” sa makipot na lagusan na ito, na lumilikha ng tensyon sa China. Ang masasaklaw na karapatang ito ay ipinatutupad ng US di lamang sa karagatan, kundi pati sa himpapawid (airspace).
Mula 2020, itinambak ng US sa Asia ang tatlo pang malalaking barko para sa mga operasyong A2/AD sa SCS. Sa taong ito, nagsagawa ang US ng 15 paglalayag sa Taiwan Strait, kasama ang mga barko ng Canada.
Noong 2023, magkasabay na pinalayag nito sa SCS ang mga Carrier Strike Group (CSG) na USS Ronald Reagan, USS Nimitz at USS Carl Vinson. (Ang CSG ay binubuo ng isang air craft carrier at ng 5-6 mas maliliit na barkong nabal, na may kabuuang tauhan na hanggang 7,500.) Sa katapusan ng taong iyon, lumayag naman dito ang USS Abraham Lincoln. Anim na beses na dumaan ang mga ito sa Bashi Channel sa pagitan ng Batanes at Taiwan, at animo’y binaybay ang inaangking karagatan sa loob ng 9-dash line ng China.
Mula sa hilagang Luzon, naglayag ang mga ito tungong Balabac Strait sa Palawan, dumitetso sa hilagang bahagi ng karagatan sa hanganan ng EEZ ng Malaysia at Indonesia bago bumalik sa Bashi Channel. Mula sa dating tatlo hanggang isang linggong pamamalagi ng mga ito sa SCS, nagtagal ang mga ito ng abereyds ng 14 hanggang 48 araw. Anim na beses namang naglayag ang iba pang barko ng US sa Taiwan Strait.
Katuwang ng mga barkong ito ang apat na surveillance ship, dalawang amphibious ready group at tatlong dambuhalang oceanographic survey ship na nagtagal ng kabuuang 314 araw sa SCS. Nagdeploy din ito ng higit 10 submarinong pinatatakbo ng enerhiyang nukleyar at may dalang mga armas nuklerya. Isa rito, ang USS Kentucky na armado ng mga misayl na nukleyar, ay sinalubong ng protesta nang dumaong sa South Korea noong Hulyo 17, 2023.
Kasabay ng fonops ang pagpapalipad ng US ng mga eroplanong pambomba at pangsarbeylans. Noong 2023, di bababa sa 20 beses nagpalipad ang US ng mga B-52H mula sa base nito sa Guam. Naiulat din ang 1,000 beses na pagpapalipad nito ng mga eroplanong pangsarbeylans mula sa Japan, South Korea at Clark Airbase sa Pampanga. Iniulat ng China na 100 dito ay sumagad sa hangganan ng teritoryong panghimpapawid nito.
Gumamit ang US ng abanteng mga MQ-4C Triton unmanned aerial vehicle (UAV) na pinalipad mula sa drone base nito sa Okinawa, Japan. Mariing tinutulan ng mga residente ng Okinawa ang deployment ng mga drone na ito sa kanilang isla dahil mataas ang potensyal ng mga aksidente ng gayong mga UAV sa himpapawid.