Dante Simbulan, 94, pinarangalan ng NDFP

,

Kinilala at pinarangalan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) si Dante C. Simbulan bilang tunay na makabayan at tagapagtaguyod ng rebolusyon ng sambayanang Pilipino. Pumanaw si Simbulan noong Oktubre 12 sa Fairfax County, Virginia sa edad na 94.

Kabilang si Simbulan sa Philippine Military Academy Class of 1952. Nagsilbi siyang kapitan ng Philippine Army at lumaban noon sa Hukbong Mapagpalaya ng Bayan (HMB). Namulat ang kanyang rebolusyonaryong diwa nang malantad sa kanya ang mga inhustisyang panlipunan at panunupil ng militar.

Naging instruktor siya sa PMA at naging tanyag sa pag-iimbita kay Jose Maria Sison na magbigay ng lektura noong 1966 tungkol sa mersenaryong tradisyon ng Armed Forces of the Philippines. Naging guro siya ng ilang mga sundalong naging rebolusyonaryo tulad nina Lt. Crispin Tagamolila at Lt. Victor Corpuz. Namartir bilang Pulang mandirigma si Tagamolila habang muling bumaliktad at bumalik sa AFP si Corpuz noong 1986.

Dahil sa pagpanig sa mamamayang Pilipino, ikinulong si Simbulan noong 1974 hanggang 1977. Nadistyero siya sa US noong 1980 at doon niya ipinagpatuloy ang kanyang pakikibaka. Naging katuwang siya sa pag-oorganisa ng mga kapwa Pilipino. Susi siya sa pagtatatag ng Malaya Movement USA.

“Isa siyang tunay na makabayan, sundalo ng mamamayan, at isang rebolusyonaryong habampanahong itatangi sa puso ng mga naghahanap ng hustisya at paglaya ng Pilipinas,” pahayag ng NDFP.

Dante Simbulan, 94, pinarangalan ng NDFP