Armadong sigalot sa Middle East, lalong pinag-aapoy ng US-Israel

,

Noong Oktubre 15, inianunsyo ng US na magpapadala ito ng mga sistemang Terminal High-Altitude Area Defense (THAAD) at 100 Amerikanong sundalo sa Israel, bilang paghahanda diumano sa potensyal na atake laban dito ng Iraq. Ito ay habang bukambibig ng ipokritong presidente nitong si Joseph Biden ang “deescalation” o pagpapahupa ng tensyon sa rehiyon na ibinunga ng agresyon ng Israel sa Lebanon at nagpapatuloy na henosidyo nito sa Gaza.

Ipinadala ng US ang mga armas para sa Israel sa panahong lalo pang nagiging karumal-dumal ang mga krimen nito sa digma at krimen laban sa sangkatauhan sa Gaza, West Bank at Lebanon. Kabilang sa pinakahuling kahindik-hindik na krimen nito ang pagbomba sa isang tent city ng mga bakwit sa Deir al-Balah sa gitnang bahagi ng Gaza Strip noong Oktubre 14. Nasunog nang buhay ang hindi bababa sa apat na pasyenteng inilipat sa lugar, matapos sila napilitang umalis sa kalapit na ospital na una nang binomba ng Israel. Ilang oras bago nito, binomba ng Israel ang isang eskwelahang sinisilungan ng mga bakwit sa hilagang Gaza, kung saan 22 ang napatay, 15 sa kanila mga bata. Sa Jaballah, binomba ng Israel ang mga Palestinong nakapila para sa ayudang harina. Sampu ang agad na napatay.

Umaabot na sa 42,603 ang pinatay ng Israel sa Gaza, 700 sa West Bank habang 2,309 na ang pinatay nito sa Lebanon. Sa Lebanon, isa sa pinakamatinding krimen ang paghulog ng Israel ng 80 bomba sa mga pamahayang bahagi ng Beirut na pumatay sa pangkalahatang kalihim ng grupong Hezbollah na si Hassan Nasrallah noong Setyembre 27. Anim na gusali ang tinupok ng mga bomba kung saan 33 iba pa ang napatay. Ang serye ng pambobomba ay nagpalayas na sa 1 milyong katao, kabilang ang 400,000 bata. Noong Oktubre 1, tuluyang sinalakay ng mga tropa ng Israel ang katimugang bahagi ng Lebanon kung saan sinagupa sila ng mga tropang Hezbollah. Kabilang sa sadya at paulit-ulit na inatake ng mga tropa ng Israel ang kampo ng United Nations Interim Force in Lebanon o UNIFIL. Gumagamit ang Israel ng ipinagbabawal na mga cluster bomb at white phosphorous para tiyaking malawakan at brutal ang epekto ng mga bomba nito sa mga sibilyan.

Samantala, pinag-iibayo ng mga pwersang Hezbollah ang pagtatanggol sa kanilang soberanya at mamamayan. Daan-daang manidirigma nito ang humarap sa 70,000 tropa, mga tangke at pambobomba sa ere na ginamit ng Israel sa tangkang pasukin ang katimugang bahagi ng Lebanon simula Setyembre 30. Nakapagdulot ng mabibigat na bigwas ang Hezbollah sa umaabanteng mga tropa, gayundin sa mga kampo at pwestong militar sa iba’t ibang bahagi ng Israel. Tulad ng mga pwersa ng Hamas sa Palestine, handa ang Hezbollah sa matagal at madugong gera ng atrisyon laban sa mga pwersang mananakop ng US-Israel.

Sa ulat ng militar ng Lebanon, di bababa sa siyam na tangkeng nagtangkang pumasok sa bansa ang napasabog ng mga pwersa nito mula Oktubre 1. Nasa 55 tropang Israeli ang napatay, at higit 500 ang nasugatan. Napasabog din nito ang dalawang Hermes 450 na drone habang papalipad papasok sa Lebanon.

Araw-araw, at halos kada oras, nagpapalipad ng puu-puong rocket ang Hezbollah na tumatarget sa mga kampo at pusisyong militar para gawing inutil ang tinaguriang Iron Dome, ang sistemang pandepensa ng Israel na buong pinopondohan ng US. Marami sa mga rocket ng Hezbollah ang tumatama sa kanilang mga target. Noong Oktubre 13, matagumpay ang isang drone strike nito sa isang kampo militar sa Haifa kung saan apat na sundalong Israeli ang napatay at 67 ang nasugatan. Ang mga atakeng ito ay katulad ng mga atakeng misayl ng Iraq noong Oktubre 1 na tumama sa hedkwarters ng Mossad, ahensyang paniktik ng Israel sa gitna ng Tel Aviv. Hindi tulad ng Israel, tanging mga lehitimong target militar ang inaatake ng Lebanon at ng Iran.

Armadong sigalot sa Middle East, lalong pinag-aapoy ng US-Israel