Proyektong pabahay, ginawang negosyo para pagkakitaan ang maralita

,

Huwad at kontra-maralita sa esensya ang Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing (4PH) na sinimulan ng rehimeng Marcos noong 2022. Tusong layunin nitong palayasin ang mga maralita sa kanilang mga komunidad sa pangakong relokasyon at pagkakitaan sila sa pamamagitan ng matataas na singil na amortisasyon.

Kasosyo ang mga pribadong debeloper, target ng programa na magtayo ng 1 milyong bahay kada taon sa loob ng anim na taon para punan ang tinatayang 6.5 milyong kakulangan. Mahigit kalahati o 3.7 milyon nito ay sa mga pamilyang maralita, mayorya sa Metro Manila. (Ambisyoso ang target na ito lalupa’t sa nakaraang mga taon, umaabot lamang sa 300,000 kada taon ang naitatayong pabahay ng estado.)

Tinatayang kakailanganin ng ₱1 trilyon kada taon para maabot ang taunang target ng rehimen. Ang balak nitong itayo ay mga bahay na may 25-metro kwadradong laki na magkakahalaga ng ₱1 milyon kada isa. Pero imbes na paglaanan ng pampublikong pondo, buo itong ipababalikat sa mga pribadong kumpanya. Ang tanging inilaan ng estado ay ₱36 bilyong “interest subsidy” o subsidyo para tustusan ang 5% sa 6% na taunang interes ng amortisasyon ng mga benepisyaryo. Kahit sagutin ng estado ang interes, aabot pa rin sa ₱3,000 ang buwanang singil na kailangang bayaran ng mga maralita sa loob ng 30 taon. Tatanggap ang debeloper ng kabuuang ₱2.1 milyon kasama ang 6% taunang interes, na mahigit doble sa orihinal na halaga ng kada yunit.

Napakamahal nito para sa isang pamilyang nabubuhay sa ilalim ng hangganan ng kahirapan, o mas mababa sa ₱12,000/buwan. Ngayon pa lamang, gipit na gipit na silang tugunan ang gastos sa pabahay na karaniwang nasa ₱900-₱2,000/buwan.

Isa ring kabulastugan ng iskema ng 4PH ang planong magtayo ng mga mid-rise na gusali sa mga maralitang komunidad na tiyak na hindi mapakikinabangan ng mga maralita. Wala silang pag-asang regular na makapagbabayad ng buwanang amortisasyon na sadyang itinaas para di nila maabot. Tiyak magreresulta lamang ito sa dislokasyon at tuluyang pagpapalayas.

Sa kaibuturan, iskema para sa tubo ng pribadong pabahay ang 4PH. Dahil mga pribadong developer at bangko ang nagpopondo rito, sila ang mangangasiwa at makikinabang sa mga proyekto. Lalabas na ang mga ahensya ng estado, gayundin ang mga lokal na gubyerno, ay mga ahente lamang ng mga debeloper at bangko.

Tulad sa nakaraang kontra-mahirap na solusyon, bahagi ng 4PH ang relokasyon ng mga maralita sa mga itatayong “mega-township” sa Nueva Ecija at Laguna. Inilalako ito ng rehimen bilang “pagpapaunlad ng kanayunan” na bahagi ng engrandeng proyektong imprastrukturang Build Better More.

Ayon sa mga maralita, ang tunay na programang pabahay ay yaong pinopondohan at pinangangasiwaan ng estado, at di ng pribadong mga korporasyon sa real estate. Anila, hindi sapat ang subsidyo lamang sa interes ng amortisasyon.

Hinihingi ng mga maralitang lungsod na ang mga pampublikong pabahay ay itayo malapit sa mga trabaho at serbisyo ng mamamayan para maging sustenable at pangmatagalan ang mga ito. Sa gayon, marapat na bigyan ng prayoridad ang mga maralita sa mga lupang kinatitirikan na ng kanilang mga bahay sa pamamagitan ng in-city at onsite na relokasyon.

Higit sa lahat, dapat lutasin ang mga ugat ng karalitaan hindi lamang sa kalunsuran kundi maging sa kanayunan. Ang paglobo ng bilang ng mga walang tirahan sa malalaking syudad ay resulta ng pag-apaw ng sobrang populasyon ng walang trabaho sa kanayunan na natataboy sa kabayanan at kalunsuran upang maghanap ng pagkakakitaan. Napupwersa silang magsiksikan sa mga komunidad malapit sa mga sentro ng komersyo at sa paligid ng mga engklabong industriyal dahil sa baba ng kanilang sahod at kita, kakulangan at kawalan ng trabaho at napakamahal na presyo ng mga bilihin at serbisyo, kabilang ang pabahay.

Proyektong pabahay, ginawang negosyo para pagkakitaan ang maralita