Koresponsal Pagpupugay sa mga magsasakang mandirigma ng Southern Tagalog
Sa Buwan ng Magsasaka, nagbibigay pugay ang rebolusyonaryong kilusan sa uring magsasaka, ang dambuhalang pwersa sa kanayunan na pangunahing yumayakap at nagsusulong ng digmang bayan. Sa iba’t ibang bahagi ng bansa, mga magsasaka at katutubo ang bumubuo sa mayorya ng hukbong bayan. Hene-henerasyon na ang nagsilbing mga kumander, kadre, mandirigma at kawal ng milisyang bayan.
Isa dito si Mike. Bata pa, kilala na niya ang Bagong Hukbong Bayan (BHB) mula sa mga kwento ng kanyang lolo. Binatilyo na siya nang personal na makasalamuha ang mga Pulang mandirigma.
Dahil hindi nakapag-aral, ikinatuwa ni Mike ang mga pag-aaral sa literasiya at numerasiya na ibinibigay ng BHB. Nang makakuha siya ng mga pampulitikang pag-aaral, niyaya niya ang mga kaibigan na makipagtalakayan sa mga kasama. Ninais niyang sumapi pero wala pa siya sa edad.
Isa sa di malilimutan niyang karanasan ang pandarahas sa kanya ng mga pasistang sundalo. Isang hapon, bigla na lamang siyang hinarang ng mga ito habang pauwi mula sa koprasan. Ipinailalim siya sa interogasyon, tinakot at pinaratangang may dalang baril.
Tinantanan lamang siya nang may dumating na isang upisyal ng barangay na nagsabing sibilyan siya na naghahanapbuhay lamang. Hindi makalimutan ni Mike ang panggigipit sa kanya. Nang magdisiotso siya, sumapi siya sa BHB.
Nang wala na sa baryo si Mike, pinag-initan naman ng mga sundalo ang kanyang pamilya. Pinuntahan sa kanilang bahay ang ina niyang si Gina, dinuro-duro at tinakot. Sa kaaatras, nahulog si Gina sa bangin at nabalian ng balakang. Dahil dito, ilang buwang naratay si Gina at pumanaw paglaon. Hindi nagbigay ng bayad-danyos ni humingi ng paumanhin ang mga berdugo sa ginawa nilang inhustisya.
Hindi pa nasapatan, iligal na inaresto ang ama ni Mike na si Billy. Tinraydor si Billy ng isang kakilala na nagsabing dadalhin siya sa ospital noong minsang nagkasakit. Sa halip na ipagamot, diretso sa kampo militar ang sinakyan nila. Iligal na ibinimbin si Billy at ininteroga. Napalaya lamang siya kinabukasan nang dumugin ng taumbaryo at kamag-anak nila ang kampo para bawiin siya.
“Lahat ng kahayupang ginagawa ng sundalo sa pamilya ko ay para i-presyur akong sumuko at pigilan ang paglaban ng masa sa aming komunidad. Pero higit itong nagiging dahilan para magpatuloy ako. Hanggang may inosenteng dinadahas ng estado, higit na nagiging makatarungan ang lumaban,” pahayag ni Mike.
Ngayon, 34 taong gulang na si Mike, buong panahong kumikilos sa isang larangang gerilya bilang mahusay at puno ng dedikasyong upisyal sa ordnans at lohistika.
Isa ring dating magsasaka si Jojo, 38, bago naging Pulang mandirigma. Naalala niyang may maliit na palayan ang kanyang pamilya noong bata pa siya. Pero tulad ng maraming magsasaka, hindi nila kinaya ang gastos sa produksyon kaya di nagtagal, nabaon sila sa utang at nawalan sila ng lupang sinasaka. Bilang panganay, obligado siyang tumulong sa pagtataguyod ng pamilya.
Sa edad na walo, nagsimulang magtrabaho sa tubuhan si Jojo. Lumuwas siya sa Maynila at pumasok sa iba’t ibang hindi regular na trabaho. Nang mag-edad 18, namasukan siya bilang drayber ng isang maliit na kumpanya. Mababa ang pasahod, walang benepisyo o seguro. Nang makumpiska ang kanyang lisensya, hindi siya tinulungan para tubusin ito. Dahil nawalan ng trabaho, napadpad siya sa Palawan at naging mag-uuling.
Dito, saksi si Jojo at kanyang mga kasamahan sa pangwawasak ng Ipilan Nickel Corporation sa mga bundok sa Brooke’s Point. Kinalbo ng kumpanya ang bundok kung saan kumukuha ng kabuhayan ang mga mag-uuling. Nagpakat ang estado ng mga sundalo para gwardyahan ang mina at sikilin ang mga mag-uuling.
Sa kanyang paghahanap ng ibang trabaho, nakilala niya si Mang Jose, isang maliit na negosyante na kasapi ng rebolusyonaryong organisasyong masa. Ipinakilala siya nito sa BHB.
Kahit di sigurado, sumama si Jojo sa mga kasama. Nahikayat siyang manatili para sa mga pag-aaral at talakayan kasabay ng pagsasanay militar. Madaling nagagap ni Jojo ang adhikain ng digmang bayan sa mga nakuha niyang pag-aaral. Higit sa lahat, natagpuan niya ang marami pang mga katulad na anakpawis sa piling ng BHB na naghahangad na bunutin ang ugat ng kahirapan sa pamamagitan ng armadong paglaban.