Mga protesta

,

 

Duterte, pinananagot sa gera kontra-droga. Nagprotesta ang mga myembro ng Bayan Muna sa harap ng Mababang Kapulungan noong Oktubre 11 kasabay ng pagdinig dito tungkol sa ekstra-hudisyal na pamamaslang sa ilalim ng rehimen ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. Kasama ang mga pamilya ng mga biktima ng “gera kontra-droga,” nanawagan sila para sa hustisya at pagpapanagot kay Duterte at sa iba pang sangkot sa maramihang pagpatay.

Negosasyon para sa CBA sa Technol Eight, isinusulong. Simula huling linggo ng Setyembre, pitong beses na nagprotesta ang Technol Eight Philippines Workers Union-OLALIA-Kilusang Mayo Uno para itulak ang pagtutuluy-tuloy ng negosasyon para sa bagong collective bargaining agreement (CBA). Pinakahuli sa mga ito ang protesta noong Oktubre 16 at 17 sa pagawaan sa Biñan, Laguna.

Piket sa Paperland. Kinundena ng unyon ng mga manggagawa sa Paperland ang iligal na shutdown at panggigipit ng maneydsment sa lider nitong si Renato “Rey” Ayroso. Nagpiket ang mga manggagawa sa harap ng pabrika nito sa Quezon City noong Oktubre 17 para batikusin ang mga tangkang buwagin ang kanilang unyon at mga maniobra para patalsikin si Ayroso. Ang Paperland ay kumpanyang gumagawa ng papel.

Barikada laban sa demolisyon, itinayo sa Laguna. Itinayo ng mga residente ng Barangay Nueva, San Pedro, Laguna ang barikada sa ikatlong linggo ng Oktubre laban sa bantang demolisyon ng Philippine Railway Railways at lokal na gubyerno ng kanilang kabahayan. Walang maipakitang dokumento para sa demolisyon ang PNR at wala ring nakahandang plano para sa relokasoyn ang gubyerno ng San Pedro.

Kontra-minang protesta, isinagawa sa Romblon. Noong Setyembre 22, mahigit isang libong Sibuyanon ang muling nagkaisa at nagtipon para sa isang protesta kontra-mina sa San Fernando, Sibuyan Island, Romblon. Bahagi ito ng nagpapatuloy na pagtutol ng mga residente ng isla laban sa mapangwasak na pagmimina ng Altai Philippines Mining Corporation na pag-aari ng pamilyang Gatchalian.

Hustisya para kay Jennifer Laude! Inilunsad ng mga grupo ng kabataan ang mga protesta at aktibidad noong Oktubre 11 bilang paggunita sa ika-10 anibersaryo ng pagpaslang ni Lance Corporal Joseph Scott Pemberton ng US Marines kay Jennifer Laude. Nagkaroon ng aktibidad sa University of the Philippines (UP)-Diliman, sa tapat ng Technological University of the Philippines at sa UP Mindanao. Naglunsad rin ng martsa ang iba’t ibang grupo sa Washington, US noong Oktubre 12 tungo sa Joint Base Lewis-McChord ng militar ng US. Nanawagan sila ng hustisya sa pagkamatay ni Laude at iginiit ang pagpapalayas ng tropang Amerikano sa Pilipinas.

Kaanak ng mga OFW sa Lebanon, nagpiket sa DFA. Sa pangunguna ng Migrante International, nagpiket noong Oktubre 10 sa harap ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa Pasay City ang mga pamilya ng mga overseas Filipino worker sa Lebanon. Nanawagan sila sa ahensya na gumawa ng komprehensibong plano para matugunan ang apela nila na kagyat na iligtas at tulungan ang mga migranteng Pilipino na naiipit sa gerang agresyon ng US-Israel sa Lebanon.

Mga protesta