Jeepney phaseout sa Metro Baguio, idinadaan sa pagbawas ng ruta

,

Matapos pwersahin ang mga drayber at opereytor ng dyip sa Baguio City at kalapit nitong mga bayan na ikonsolida ang kanilang mga prangkisa, lubusan ngayong itinutulak ng lokal na gubyerno dito ang jeepney phaseout sa pamamagitan ng pagsibak sa kanilang mga ruta.

Sa ulat ng lokal na balangay ng Piston, nasa 96% ng mga lisensyadong dyip ang nagpailalim sa konsolidasyon dahil sa pambabanta ng LTFRB-Cordillera Autonomous Region na ikakansela ang indibidwal nilang mga prangkisa.

“Marami ang napresyur at napilit na pumaloob sa proseso,” ayon kay Carlito Wayas, presidente ng Piston Metro Baguio. Noon pa man, tutol na ang mga drayber dito sa huwad na modernisasyon.

Lalong naging malinaw ang tunguhin ng jeepney phaseout nang ilabas ng syudad ang Ordinance No. 22 o ang Route Rationalization Plan na naglalaman ng planong bawasan ang mga ruta ng namamasadang mga dyip, kahit na ng mga konsolidado. Mula sa dating 46, ginawang 31 na lamang. Ang 29 dito ay “rationalized” o pinagdugtong o pinagsanib na mga ruta, habang dalawa ay bagong ruta na iikot sa mga pook panturista.

Resulta nito, babagsak ang bilang ng maaaring pumasadang dyip, mula 2,164 na yunit tungong 1,544 na lamang. Mahigit 2,000 drayber at kanilang mga pamilya ang mawawalan ng kabuhayan. Tanong ng mga komyuter, bakit magbabawas nang hanggang 620 na dyip gayong lumalaki ang pangangailangan para sa pampublikong transportasyon?

Sa kasalukuyan mayroon lamang isang dyip para sa 169 na pasahero kada araw. Sa ilalim ng ordinansya, magiging isa kada 237 pasahero ito. “Asahang lalala pa ang kakulangang ito dulot ng patuloy na lumalaking populasyon ng Baguio, kapwa mga residente at mga bisita,” anila.

Tiyak na magreresulta rin sa kalituhan sa mga komyuter, gayundin sa kaguluhan sa drayber na mayroong magkapatong (overlapping) na mga ruta. Liban sa mga drayber at opereytor, apektado rin ang mga kantina, vulcanizing shop at mga dispatser na nakaasa sa mga operasyon ng dyip.

Noong Setyembre, nagsumite ng pagtutol sa pagbabago ng ruta ang mga drayber at opereytor sa ilalim ng Baguio-Benguet Movement Against Jeepney Phaseout (BBMAJPO) at Piston Metro Baguio. Binatikos nila ang ordinansang inilabas nang walang konsultasyon. Dismayado ang mga drayber sa kawalang-interes ng ahensya ng lokal na gubyeno sa kanilang mga hinaing. Ni hindi tinanggap ng mga upisyal ang mga dokumentong naglalaman ng kanilang paninindigan laban sa pagbabawas ng ruta.

Jeepney phaseout sa Metro Baguio, idinadaan sa pagbawas ng ruta