Kampanya kontra dinastiya, marumi at marahas na eleksyon, inilunsad

,

Bilang paghahanda sa eleksyong 2025, inilunsad ng mga demokratikong organisasyon at partido ang magkahiwalay na kampanya laban sa dinastiyang pampulitika, at laban sa marumi at marahas na eleksyon. Layuning buklurin sa mga kampanyang ito ang pinakamalawak na mamamayan para maging mapagbantay sa kanilang karapatan sa pagboto.

Panata kontra dinastiya

Noong Oktubre 14, sama-samang pumirma ang mga kandidato sa pagkasenador at kinatawan ng mga partido sa ilalim ng Koalisyong Makabayan sa isang panata laban sa mga dinastiyang pampulitika sa Pilipinas na kumakatawan sa pinakapusakal na mga burukratang kapitalista, panginoong maylupa at mga warlord sa bansa. Inilunsad nila ang simbolikong paglagda sa isang pagtitipon sa Quezon City.

Ipinahayag ng Makabayan ang labis na pagkabahala sa pamamayagpag ng mga dinastiyang pampulitika sa halalang 2025. “Mga magkakapamilya, magkakapatid, mag-ama, mag-ina, buong mga angkan, ay nagpapaligsahan para makopo ang mga halal na pusisyon at ilagay ang kapangyarihan sa kamay ng iilang pamilya,” anito. Sinasagkaan ng mga dinastiyang ito ang ordinaryong mamamayan na lumahok at mahalal.

Sa isang pag-aaral ng mga propesor mula sa Ateneo School of Government noong 2019, lumaki ang porsyento ng mga “matatabang” dinastiya o iyong mayroong sabay-sabay ng magkakapamilyang nasa poder mula 19% noong 1977 tungong 29% noong 2017. Sinabi sa pag-aaral na noong 2001, mayroong 1,303 pamilyang pampulitika na may tig-dalawang myembro na nasa poder, 257 pamilya na mayroong tig-tatlo sa poder, at 157 pamilya na mayroong tig-apat o higit pa. Lumaki pa ito noong 2019 tungong 1,548 na may tig-dalawa, 339 na may tig-tatlo at 217 na may tig-apat o higit pa.

Kinopo na rin ng mga dinastiya maging ang sistemang party-list, na itinakda ng reaksyunaryong konstitusyon para bigyang espasyo ang mga marginalized o walang kapangyarihang sektor. Sa pananaliksik ng Philippine Center for Investigative Journalism noong Mayo 2022, hindi bababa sa 70 sa 177 party-list na lumahok sa huling eleksyon ay mayroong mga nominado na kunektado sa mga dinastiya at pampulitikang pamilya.

Sa kasalukuyan, hindi bababa sa 11 myembro ng pamilyang Marcos-Romualdez ang nakaupo sa poder. Hindi naman bababa sa apat ang mula sa dinastiya ng mga Duterte. Sa Senado, anim sa 24 na pwesto ay hawak ng mga pulitiko mula sa tatlong “matatabang” dinastiya.

Sa darating na halalang 2025, kung mananalo ang mga dinastisyang pampulitika, siyam sa 24 na pusisyon sa senado (o higit sangkatlo) ang kokopoin ng mga pamilyang ito. Kabilang sa maaaring maupo ang tatlong Tulfo, dalawang Villar, dalawang Cayetano, at ang dalawnang Estrada/Ejercito.

Tutol ang Makabayan sa ganitong kalakaran. Ang konsentrasyon ng kapangyarihan sa kamay ng iilan ay kundisyon para sa korapsyon, anito. Ang pag-upo at pagsasalit-salitan sa poder ng magkakapamilya ay naglilingkod sa kanilang makitid na interes. “Hindi negosyong pampamilya ang serbisyo publiko,” anito.

Marumi at marahas na eleksyon

Pinalalakas naman ng Kontra Daya ang mga pagsisikap para sa isang malinis, mapayapa at demokratikong eleksyon sa harap ng umiiral na marumi, marahas at kontrolado ng iilan na sistema ng eleksyon at pandaraya sa de-makinang pagboto. Noong Setyembre 30, nagmartsa ang mga kasapi nito sa Intramuros, Maynila matapos idaos ang asembliya ng grupo.

Itinutulak ng Kontra Daya ang pagbuwag sa kasalukuyang automated election system at ihalili dito ang isang hybrid na sistema para mabantayan ang boto. Anito, ang kolektibong pagkilos ng mga Pilipino ay maaaring magbunga sa makabuluhang pagbabago.

Dati nang nagpahayag ang grupo ng pagdududa sa Miru Systems Co. Ltd. na nakakuha ng kontrata para sa mga elektronikong makina para sa eleksyon. Kilala ang Miru Systems sa malawakang dayaan at palpak na mga eleksyon sa Iraq, Congo at Argentina. Sa Congo lamang, naiulat na umabot sa 65% ng mga makina nito ay pumalpak sa araw ng eleksyon. Hindi malayong ganito rin ang kahihinatnan ng eleksyon sa Pilipinas, ayon sa Kontra Daya.

Pinakamalaking problema ang hindi pa rin transparent o bukas na pagbibilang ng boto dahil gagawin ito ng makina at di ng mga tao, ayon sa grupo. Panata nitong ilantad at hamunin ang kasalukuyang korap na sistema ng eleksyon. Batayang karapatang-tao ang pagboto at dapat pinakikinggan ng estado ang boses ng mamamayan, ayon sa grupo.

Kampanya kontra dinastiya, marumi at marahas na eleksyon, inilunsad