Editoryal

Isakdal, usigin at parusahan ang mga Duterte

, ,

Matapos ng ilang buwang pagdinig sa kongreso, unti-unti nang nabubunyag sa publiko ang mga lihim na detalye ng operasyon kung papaanong pinangunahan at pinatakbo ni Rodrigo Duterte at kanyang mga kasapakat sa Malacañang ang huwad at madugong “gera sa droga” at ang kriminal na kampanya ng mga ekstrahudisyal na pamamaslang. Lalo nitong pinatitibay ang loob ng sambayanang Pilipino na ipaglaban ang katarungan para sa libu-libong biktima. Lalong lumalakas ang kanilang panawagan na isakdal, usigin at parusahan si Duterte sa kanyang mga krimen sa sangkatauhan.

Kinumpirma sa mga pagdinig ang dati nang alam ng taumbayan na tuwirang pagkasangkot ni Duterte at kanyang mga punong upisyal sa mga ekstra-hudisyal na pagpatay. Ilang dating alagang upisyal mismo ni Duterte ang ngayo’y tumetestigo kung paanong siya mismo o kanyang mga kasapakat ang nag-utos sa kanilang mga armadong asong-ulol para isagawa ang madudugong krimen. Daan-daang milyong piso ng salapi ng bayan ang ginamit ni Duterte para busugin ang kanyang mga alaga.

Inasinta ni Duterte ang mga karibal niyang kriminal na tumangging lumuhod sa kanyang kapangyarihan, at pati ang mga kalaban niya sa pulitika na tumangging yumuko sa kanyang tiraniya. Pinaslang sila na walang kalaban-laban. Ang iba’y tumahimik. May mga itinapon sa kulungan, at doon tinuluyan.

Sa takot na isusunod siya sa kanyang amang walang pakundangang pinatay ng mga tauhang pulis ni Duterte sa loob ng bilangguan, pumayag si Kerwin Espinosa sa utos ng noo’y hepe ng pulis na si Bato dela Rosa na umaming isa siyang “drug lord” at tumestigo laban kay Leila de Lima, ikinulong na kritiko ni Duterte. Ito ang pagbubunyag na ginawa ni Espinosa sa kongreso.

Kabilang pa sa mga humarap sa kongreso si Royina Garma, dating hepe ng pulis sa Davao City, at kilalang malapit kay Duterte. Kasama si Duterte, isa si Garma sa pinangalanang nag-utos sa pagpatay sa mga nakakulong na “drug lord” na Chinese sa loob ng bilangguan sa Davao noong 2016. Itinalaga siya noong 2016 na pinuno ng pulis sa Cebu kung saan naging madugo ang “gera sa droga.” Hinirang siyang pinuno ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) noong 2019, at itinurong utak sa pagpatay sa karibal na upisyal na si Wesley Barayuga na pinaslang ng pulis noong 2020.

Sa kabila ng kanyang paghuhugas-kamay sa Kongreso, inamin ni Garma na inendorso niya si Col. Edilberto Leonardo kay Duterte para magsilbing isa sa susing opereytor ng “gera sa droga.” Itinalaga siya ni Duterte sa iba’t ibang pusisyon sa gubyerno, bago itinalaga sa National Police Commission noong 2022. Ani Garma, si Leonardo ang nagpaplano ng mga pagpatay at tagahawak ng pera panggastos at panggantimpala ni Duterte sa mga upisyal na pulis na bayarang tagapatay ni Duterte, upang itayo ang sarili bilang panginoon ng lahat ng drug lord sa Pilipinas.

Ang mga impormasyong ibinunyag sa mga pagdinig at imbestigasyon sa Kongreso ay lalong nagpapatibay sa isinampa ng libu-libong biktima sa International Criminal Court (ICC) na kasong mga krimen laban sa sangkatauhan kontra kay Duterte. Sapat-sapat nitong pinatutunayan kung paanong sistematikong ginamit at inabuso ni Duterte ang kanyang kapangyarihan bilang presidente upang maghasik ng malagim na kampanya ng mga pagpatay na pumuksa sa buhay ng ilanlibong biktima. Inilarawan niyang parang mga hayop ang sinumang idawit niya sa droga, at sinulsulan ang mga armadong pwersa ng estado na gamitin nang walang pakundangan ang kanilang kapangyarihan nang walang kinatatakutang batas o sinusunod na prosesong ligal. Lahat ng pagpatay ay binigyang matwid sa linyang “nanlaban” para ilusot sa pananagutan ang mga unipormadong kriminal ni Duterte.

Ginamit ni Duterte ang “gera sa droga” upang itatag ang kanyang tiranikong paghahari. Ang parehong taktika ng walang pakundangang mga pagpatay ay itinuon sa mga organisasyon ng mga manggagawa, magsasaka, katutubong mamamayan, maralitang lungsod, mga estudyante, at iba pang sektor, pati na sa mga nagtatanggol sa karapatang-tao at nagtataguyod sa kapayapaan. Sa utos ni Duterte, naganap ang Bloody Sunday sa Southern Tagalog, ang Operation Sauron sa Negros, ang Tumandok Masaker sa Panay at iba’t iba pang karumal-dumal na krimen. Tuwirang utos din ni Duterte ang paghuhulog ng mga bomba at panganganyon na naghasik ng malawak na terorismo ng militar sa kanayunan. Si Duterte din ang utak sa sunud-sunod na pagpatay sa mga nadakip na mga lider rebolusyonaryo, kabilang ang mga naging konsultant sa usapang pangkapayapaan.

Dapat ibayong palakasin at walang sawang ulit-ulitin ng sambayanang Pilipino ang kanilang sigaw na isakdal, usigin at parusahan ang pasistang kriminal na si Rodrigo Duterte, pati na ang kanyang mga kasapakat (kabilang si dela Rosa, si Bong Go, at maging anak na si Sara), at lahat ng upisyal at pwersa ng pulis at militar na nasa likod ng mga kriminal na pag-aabuso sa kapangyarihan. Ang pagdadala kay Duterte sa ICC ang isa sa susi upang ilatag ang batayang ligal para papanagutin ang lahat ng imbwelto sa kanyang krimen.

Dapat singilin at panagutin si Marcos sa ginawang pakikipagsabwatan at akomodasyon sa mga Duterte upang iupo ang sarili sa poder, at pagsagka sa mga pagsisikap ng taumbayan na dalhin si Duterte at mga kasapakat nito sa ICC. Nabiyak man ang “uni-team” ng mga Marcos at Duterte, magkakampi pa rin sila sa panunupil at pang-aapi sa taumbayan, at sa pagtatanggol sa interes ng isa’t isa. Ipinag-aalala ni Marcos na anumang pagparusang sapitin ni Duterte ay siya ring sasapitin niya pagdating ng panahon.

Hanggat walang naparurusahan sa mga kriminal na ito, magpapatuloy ang paghahari-harian ng mga abusadong burukratang kapitalista at pasista, at ang sagadsaring pagyurak sa mga karapatan at kagalingan ng taumbayan. Ang kawalang pakundangan ng mga armadong pwersa ng estado na itinaguyod at pinalaganap ni Duterte ang siyang ginagamit ngayon ni Marcos sa pagtatayo ng sariling tiraniya na nakabatay sa paghahasik ng karahasan laban sa taumbayan.

Subalit hindi magagapi ang sambayanan. Araw-araw ay may namumulat at matapang na nagbabangon. Buo ang kanilang pasyang isulong ang kanilang pakikibaka para sa katarungan, kalayaan at demokrasya, gaanupaman kahirap o katagal.

Isakdal, usigin at parusahan ang mga Duterte