Tropa ng 79th IB, pinatamaan ng BHB-Northern Negros
Nabulabog ang nag-ooperasyong tropa ng 79th IB nang paputukan sila ng mga Pulang mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan (BHB)-Northern Negros (Roselyn Jean Pelle Command) sa Sityo Agtatahor 1, Barangay Macasilao, Calatrava, Negros Occidental noong Oktubre 6. Isinagawa ang operasyong haras nang alas-9 ng umaga habang naghahanda ng almusal ang mga sundalo.
Ayon sa ulat ng yunit, tahimik silang nakalapit sa yunit ng 79th IB habang mahusay na nagkakamoplahe. Bahagi ang pinatamaang tropa ng 79th IB ng isang malawakang saklaw na focused military operations sa naturang lugar. Kasabay din nito ang isang Retooled Community Support Program (RCSP) na isang elemento ng operasyong saywar ng militar.
Saklaw ng operasyong kombat ang hindi bababa sa 10 barangay sa bayan ng Calatrava. Ang mga ito ay ang Macasilao, Hilub-ang, Hinab-ongan, Lagaan, Minautok, Cambayobo, Marcelo, Minapasok, Malatas at Pantao.