Pang-aagaw ng lupa at kagutuman, tampok sa mga protesta ng magsasaka

,

Naglunsad ng magkasunod na protesta ang mga grupo ng magsasaka at kababaihan sa kanayunan noong Oktubre 15 at 16 para gunitain ang internasyunal na araw ng kababaihan sa kanayunan at ang World Food(less) Day.

Pinangunahan ng Amihan National Federation of Peasant Women ang piket ng kababaihan mula sa Bulacan, Laguna at Cavite sa harap ng Department of Agrarian Reform (DAR) para iprotesta ang nagpapatuloy na kawalan ng tunay na repormang agraryo sa bansa.

Itinampok nila ang mga kaso ng pang-aagaw ng lupa at pagpapalit-gamit ng mga lupang agrikultural tulad ng pang-aagaw sa Araneta Estates sa San Jose Del Monte City; Lupang Ramos sa Dasmariñas, Cavite; Hacienda Luisita sa ilalim ng TADECO, Aboitiz, at Ayala Land Inc; mga lupa kung saan kinansela ang mga CLOA at CLT sa Nueva Ecija; 6,000-ektaryang lupa na sinaklaw ng oil palm plantation sa Negros; mga lupang sinaklaw ng mga proyekto ng estado tulad ng reklamasyon at Laguna Lake Road Network na magreresulta sa malawakang pagpapalayas sa mga magsasaka.

Iginiit ng kababaihang magsasaka ang tunay na reporma sa lupa, makatarungang presyo ng kanilang mga ani at kaparatan sa pagkain at lupa.

Sa sumunod na araw, kasama ang kababaihan sa mga magsasaka at mangingisda na nangalampag sa Department of Agriculture (DA) para batikusin ang neoliberal at inutil na mga patakaran at programa ng rehimeng Marcos na nagpapalala sa kagutuman sa bansa. Inalmahan nila ang patakarang importasyon na kinukunsinti ng DA na pumipinsala sa lokal na produksyon.

Ang mga protesta ay bahagi ng paggunita sa Buwan ng Magsasaka. Liban dito, isinagawa ng mga grupong magsasaka ang mga asembleya, pag-aaral at iba pang mga aktibidad sa iba’t ibang bahagi ng bansa. Inilunsad din nila ang mga proyektong “bagsakan” ng mga ani sa Metro Manila at Cebu, na nilalahukan ng iba’t ibang organisasyon.

Pang-aagaw ng lupa at kagutuman, tampok sa mga protesta ng magsasaka