Atake sa mga magsasaka at katutubo, walang awat

,

Sa gitna ng paggunita ng buwan ng magsasaka at katutubo, walang tigil ang atake ng militar at pulis sa kanilang mga karaptan. Nitong Oktubre, 32 ang iligal na inaresto, kabilang ang di bababa sa 29 Mangyan, dalawang konsultant ng NDFP sa usapang pangkapayapaan, tagapagsalita ng Cordillera People’s Democratic Front at isang magsasaka sa Negros. Isang organisador naman ang dinukot at pinalalabas na “surenderi.”

Sa Occidental Mindoro, dinakip ng mga pulis at militar ang 29 na Mangyan Iraya na mga residente ng Hacienda Almeda sa Abra de Ilog noong Oktubre 18. Sa mga hinuli, 17 ay matatanda at 12 ay menor de edad. Inaagaw ang naturang asyenda ng pamilyang Almeda, kasabwat ang Pieceland Corporation. Hindi ito ang unang pagkakataong dinahas ang mga katutubo para itaboy sila mula sa kanilang lupain.

Sa Davao del Norte, inaresto ng pinagsanib na pwersa ng pulis at AFP ang konsultant pangkapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na si Porferio Tuna noong Oktubre 2 sa Barangay Mankilam, Tagum City. Labag ito sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees sa pagitan ng gubyerno ng Pilipinas at ng NDFP na naggarantiya sa kaligtasan ng lahat ng mga sangkot sa usapang pangkapayapaan.

Sa Ilocos Norte, inaresto ng mga pwersa ng estado ang tagapagsalita ng Cordillera People’s Democratic Front at konsultant pangkapayapaan ng NDFP na si Simeon “Ka Filiw” Naogsan noong Oktubre 21. Dinala si Naogsan sa Baccara Municipal Police Station at pagkatapos ay inilipat ng mga pwersa ng estado sa isang hindi isiniwalat na lugar.

Sa Escalante City, Negros Occidental, inaresto ng 79th IB ang lider ng mga manggagawang-bukid na si Jose Puancing noong Oktubre 7 ng hapon. Ang pag-aresto kay Puancing ay batay sa pinalalabas ng PNP at 79th IB na nakumpiskang mga armas at pampasabog nang ipinatupad ang search warrant noon pang 2019. Ang naturang warrant ay kabilang sa mga depektibong mandamyento na inilabas ni Judge Cecilyn Burgos-Villavert.

Sa Laguna, dinukot ng 203rd IBde ng AFP si Fhobie Matias, organisador ng magsasaka sa ilalim ng Katipunan ng mga Samahang Magbubukid sa Timog Katagalugan, noong Setyembre 28 sa Calamba City. Nakikipagkonsultahan noon si Matias sa mga magsasaka sa Laguna. Matapos ang halos dalawang linggo, inianunsyo ng 203rd IBde na hawak nila si Matias na pinalalabas nilang “sumuko” sa kanila.

Pagkakaso ng “terorismo.” Sinampahan ng kasong “terrorism financing” ang katutubong maliit na negosyante na si Marcylyn Pilala, residente ng Barangay Gueday, Besao, Mountain Province. Si Pilala at ang kanyang tindahan ay inaakusahang pinagmumulan ng pagkain, mga gamot at iba pang kagamitan para sa Bagong Hukbong Bayan. Katulad na kaso rin ang kinahaharap ni Alaiza Lemita, kapatid ng isang aktibistang pinaslang ng militar sa tinaguriang Bloody Sunday noong Marso 7, 2021.

Sinampahan rin ng reklamong “terrorism financing” si Lenville Salvador, dating tagapangulo ng organisasyong pangkaunlaran na Ilocos Center for Research, Empowerment and Development.

Panggigipit. Sa Barangay Mapalacsiao, Tarlac City, sinugod ng apat na hinihinalang tauhan ng militar ang kabahayan kung saan nakatira si Francisco Dizon, tagapangulo ng Alyansa ng mga Manggagawang Bukid sa Asyenda Luisita noong Oktubre 18.

Samantala, hinarang at kinumpiska ng mga pulis at 31st MIB ang isa sa mga sinasakyan ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita noong Oktubre 20 sa Tarlac City. Lalahok ang mga magsasaka sa pagtitipon para sa pag-alaala sa pambansang buwan ng mga pesante.

Sinampahan naman ng kasong paglabag sa BP 880 o Public Assembly Act ang mga lider-masa na sina Mimi Doringo, Mar Valbuena at Regie Manlapig ng Manibela, Mody Floranda at Ruben Baylon ng Piston dahil sa inilunsad na tigil-pasada at protesta. Inatasan silang humarap sa korte sa Nobyembre 14.

Atake sa mga magsasaka at katutubo, walang awat