Ika-56 anibersaryo ng PKP, ipinagdiwang
Naglunsad ng mga aktibidad ang iba’t ibang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at rebolusyonaryong masa kapwa sa kanayunan, mga kabayanan at kalunsuran sa bansa para ipagdiwang ang ika-56 anibersaryo ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP).
Sa Maynila, nagraling-iglap ang mga alyadong organisasyon ng National Democratic Front (NDF)-Metro Manila noong Disyembre 23, 2024 sa Recto Avenue para itanghal ang anibersaryo ng PKP. Sa martsa, nanawagan sila sa mamamayang Pilipino na isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon sa gitna ng tumitinding kahirapan at umiigting na girian sa pulitika ng naghaharing mga uri.
Sa Rizal, inilunsad ng NDF-Rizal ang Oplan-Sabit at Oplan-Dikit sa pagsisimula ng 2025. Tampok ang makukulay at kapansin-pansing mga balatenggang nagdiwang sa anibersaryo ng Partido na isinabit sa matataong sentro ng Antipolo City. Ikinasa rin nila ang maramihang pagkakabit ng mga istiker at namahagi ng polyeto tungkol sa BHB.
Ipinaabot din ng pambansang pamunuan ng Compatriots, Katipunan ng mga Gurong Makabayan at Makabayang Kilusan ng Bagong Kababaihan ang kanilang pagbati sa Partido. Mula naman sa internasyunal na mga partido at kaibigan ng PKP, nagpahayag na ng pagbati ang Communist Party of Australia (Marxist-Leninist), “Serve the People” (Vietnam), Anti-Imperialist Action Ireland, Communist Party of Canada (Marxist-Leninist), Friends of the Filipino People in Struggle at mga balangay nito mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo.