Imperyalistang panghihimasok sa pagbabagsak ng gubyerno sa Syria
Noong unang linggo ng Disyembre 2024, mabilis na gumuho ang gubyerno ng Syria at napatalsik ang presidente nitong si Bashar al-Assad, matapos lumusob ang kumbinasyon ng mga jihadista at mga grupong suportado, inarmasan at koordinado ng US, Turkey, Israel, at maging ng UK.
Pangunahin sa mga grupong umatake ay ang Hey’etu Tahrîri’ş-Şâm (HTS o Damascus Liberation Movement), na nagmula guho ng grupong ISIS. Tinagurian itong “terorista” ng gubyernong US, pero tumatanggap ng ayuda mula sa UK, alyado ng US sa NATO. Kasama din sa mga lumusob ang Syrian National Army, na tuwirang suportado ng Turkey, at ang Free Syrian Army (o Revolutionary Commando Army) na tuwirang sinusuportahan ng militar ng US na nakabase malapit sa hangganan ng Syria sa Iraq at Jordan.
Sa loob lamang ng 10 araw, inabot ng HTS ang Damascus, kabisera ng bansa, mula sa kuta nito sa prubinsya ng Idlib sa hilagang-kanlurang bahagi ng Syria. Daan-daang sibilyan at mga sundalong Syrian ang pinatay ng mga pwersa nito sa marahas na kampanyang saklutin ang Damascus. Mabilis nitong nalipol ang hukbong sandatahang Syrian.
Ang pagbabagsak sa rehimeng Assad ay bahagi ng sumisidhing inter-imperyalistang tunggalian sa buong mundo, at partikular sa Middle East. Resulta ito ng tuluy-tuloy na panghihimasok sa Syria ng mga dayuhang kapangyarihan, laluna ng imperyalismong US sa balangkas ng tinagurian nitong Greater Middle East Initiative na sinimulan noong pang 2004. Bahagi ng panghihimasok dito ng US ang pag-aarmas sa iba’t ibang grupo mula pa 2012 at paggatong sa armadong sigalot sa bansa.
Kagyat pagbagsak ng gubyernong al-Assad, kinilala ng US ang HTS (na itinayo mula sa latak ng ISIS) at inalis ang bansag ditong “teroristang,” tinurang “moderato” ang pinuno nitong si Abu Mohammad al-Jolani, na binigyan ng bagong bihis sa imperyalistang midya. Nakikialam ngayon ang imperyalismong US at UK, pati na ang Turkey, sa pagbubuo ng bagong gubyerno sa Syria. Samantala, sinamantala ng Israel ang pagbagsak ni al-Assad at kagyat inokupa ang Golan Heights, taliwas sa pagkilala ng United Nations na bahagi ito ng Syria. Naglunsad din ang Israel ng mga airstrike hanggang sa Damascus para palawakin pa ang sakop nitong lupain ng Syria.
Hindi maipagkakaila na ang pagpapabagsak sa gubyerno ng Syria ay bahagi ng pagpapalawak ng US at kapwa imperyalista nito sa armadong sigalot sa Middle East. Patuloy na umaarangkada ang henosidyo ng Israel sa Palestine at ang magiting na paglaban ng mga pwersang Palestino, gayundin ng mga pwersang Hezbollah at mamamayang Lebanese laban dito.
Kasabay ng paglusob sa Damascus, sinalakay din ng mga pwersang HTS, katuwang ang Syrian National Army, at suportado ng mga airstrike ng Turkey, ang mga pwersang Kurdish at rebolusyonaryong pwersa sa awtonomong rehiyon ng mga Kurd sa hilagang-silangang bahagi ng Syria. Ito ang lugar na Autonomous Administration of North and East Syria na kilala sa tawag na Rojava.
Ang lugar na ito ay pangunahing hawak ng YPG (People’s Protection Unit) at YPJ (milisyang kababaihan) na bahagi ng Syrian Defense Forces. Matatagpuan din dito ang iba’t ibang rebolusyonaryong armadong grupo, tulad ng ilang yunit ng TIKKO na Hukbo ng mga Manggagawa at Magsasaka ng Turkey (hukbo ng Partido Komunista ng Turkey-Marxista-Leninista o TKP-ML).
Ayon sa TKP-ML, hindi “rebolusyon ng mamamayan” ang naganap sa Syria kundi pamamayani ng “proyekto ng NATO” na isinagawa ng mga operatiba ng US, UK, Turkey at Israel. “Ang paglitaw at pag-unlad ng mga Salafistang jihadist na mga grupo, laluna ng HST na umagaw ng kapangyarihan sa Syria, ay direktang resulta ng pagsasanay at pagpopondo ng mga imperyalista at mga reaksyunaryong estado sa rehiyon.” Sa pag-agaw ng kapangyarihan ng HTS, na may suporta ng US-Israel, NATO at Turkey, kumakaharap ang mamamayang Kurd, partikular na ang mga kababaihan, ng malaking banta ng pananakop at karahasan.
Marapat na manindigan ang mga pwersang anti-imperyalista at rebolusyonaryo para suportahan ang mamamayan ng Syria sa kanilang pakikibaka para sa tunay na demokrasya at pambansang kasarinlan. Sa pagpapatalsik kay al-Assad, ang Syria ay mapapailalim sa dominasyon at kontrol ng kapangyarihang US-Israel at Turkey na pakay na kontrolin ang kabuuan ng Middle East at ang mayamang rekurso nito sa langis.