Palakasin ang pakikiisa ng bayan sa mga bilanggong pulitikal
Hindi nahahadlangan ng mga rehas na bakal at kampanyang panunupil ng rehimeng Marcos ang patuloy na pag-aalab ng diwang makabayan at pakikibaka ng mga bilanggong pulitikal sa Pilipinas. Makatwiran lamang na tugunan ito ng sambayanang Pilipino ng hindi nagmamaliw na suporta at pakikiisa.
Ang mga bilanggong pulitikal ay biktima ng walang-patumanggang kontra-rebolusyonaryong digma na inilulunsad ng reaksyunaryong estado. Sila ay dinakip at ipiniit dahil sa kanilang pakikipaglaban para sa interes ng masang anakpawis. Sinampahan sila ng mga kasong kriminal upang itangging pulitikal ang kanilang mga kaso. Ang kanilang patuloy na pagkapiit ay paglabag sa mga karapatang sibil ng mga bilanggong pulitikal.
Sa tala ng Karapatan, hindi bababa sa 757 ang kasalukuyang bilang ng mga bilanggong pulitikal sa bansa. Mayroong 103 na matatanda at 97 ang maysakit. Umabot sa 156 ang kababaihan at mayroong 17 konsultant at istap sa usapang pangkapayapaan ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) na nakapiit. Sa ilalim ng rehimeng Marcos, inaresto at ikinulong ang hindi bababa sa 148 bilanggong pulitikal.
Malala ang mga kalagayang dinaranas ng mga bilanggong pulitikal at karaniwang bilanggong Pilipino sa loob ng mga piitan. Nahahati ang mga preso sa dalawa: 117,850 bilanggo na sumasailalim pa ng paglilitis sa korte habang nakakulong sa mga piitan ng Bureau of Jail Management and Penology at ang 53,397 na bilanggong nahatulan na at nakakulong sa mga piitan ng Bureau of Corrections.
Pangunahin nilang suliranin ang mabagal na usad ng hustisya sa bansa. Nagreresulta ito sa napakasisikip na piitan. Pinagdudusa sila sa kulang at hindi masustansyang pagkain sa piitan, mababang kalidad ng serbisyong medikal at labis na paghihigpit sa kanilang mga dalaw.
Tumatagal nang taon o hanggang ilang dekada ang mga paglilitis. Nakakalaya ang iba matapos mapawalang-sala ngunit ikinulong na ng maraming taon. Sa kaso ng mga bilanggong pulitikal, mayroong mga napapawalang-sala sa orihinal na kaso, pero hindi nakalalaya dahil sa pagsasampa ng “sapin-saping kaso” ng militar. Sa ilalim ng rehimeng Marcos, aabot na sa walong bilanggong pulitikal ang namatay sa sakit at katandaan habang mayroong 12 sa panahon ng rehimeng Duterte. Mayroon ding mga ulat na tumataas ang bilang ng mga bilanggong Pilipino na napapatiwakal dahil sa kawalan ng pag-asa.
Pakikiisa at suporta
Simula ikalawang hati ng 2024, sumigla at bumuwelo ang mga kampanya ng mga pambansa-demokratikong grupo at mga tagapagtanggol sa karapatang-tao para suportahan at palayain ang mga bilanggong pulitikal. Inilunsad ang panibagong kampanya noong Hunyo 27, 2024 sa Bantayog ng mga Bayani sa Quezon City sa pangunguna ng Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensyon at Aresto at 13 pang organisasyon.
Katuwang ang grupong Kapatid, ang samahan ng mga kamag-anak ng mga bilanggong pulitikal at mga boluntir, naisagawa ang serye ng mga pagbisita at pagbibigay ng suporta sa mga bilanggong pulitikal laluna noong Disyembre 2024. Naghatid sila ng suportang materyal bilang pagdiriwang sa kapaskuhan at suportang moral para patatagin ang loob ng mga bilanggong pulitikal.
Naisagawa ang mga pagbisita sa mga kulungan sa Taguig City, Mandaluyong City, Quezon City, Muntinlupa City, Nueva Ecija, Pampanga, Tacloban City at iba pang lugar. Pumunta sa mga piitan ang mga taong-simbahan, mga manggawang pangkalusugan, kabataang estudyante at iba pang mga sektor. Mayroon ring inilunsad na pangungulekta ng mga sulat at donasyon ang iba’t ibang mga organisasyon, maging mga samahan ng migranteng Pilipino at dayuhan.
Pinakatampok sa mga pagbisita ang pagdiriwang ng misa, ikalawang beses para sa 2024, ng bagong talagang kardinal na si Cardinal Pablo Virgilio David noong Disyembre 26, 2024 sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City. Kabilang sa mga nakasalamuha ng kardinal ang mga detenidong konsultant sa kapayapaan ng NDFP. Nagmisa rin sa Bago City District Jail sa Negros Occidental noong Disyembre 30, 2024 si San Carlos Bishop Gerardo Alminaza.
Ipinanawagan ng dalawang lider ng simbahan ang kaagad na pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal. Nanawagan rin sila sa gubyerno na magpasa ng isang batas na magbibigay ng makatarungang danyos o kumpensasyon sa mga bilanggong matagal na ikinulong na kalaunan ay ipinawalang sala ng korte.
Sa lahat ng mga aktibidad na ito, ipinamalas ng mga bilanggong pulitikal ang hindi nagmamaliw nilang paninindigan at diwa para sa pambansa at demokratikong adhikain ng mamamayan.