Programang "last mile school" ng DepEd, para sa korapsyon at kontra-insurhensya
Limang taon mula nang ipatupad ang Last Mile Schools Program (LMSP) ng Department of Education (DepEd), nalalantad ang kabulukan ng programa at laganap na korapsyon dito. Ginamit din ito sa kampanyang kontra-insurhensya para buwagin ang pagkakaisa ng mga paaralang Lumad sa Mindanao.
Ang LMSP ng DepEd ay inilunsad noong Hulyo 18, 2019 para umano’y tugunan ang kakulangan ng mga pasilidad at rekurso sa malalayo at liblib na mga lugar o tinawag nitong geographically isolated and disadvantaged areas, na pangunahin ay mga lugar ng katutubo. Sa nagdaang limang taon, tumanggap ang programa ng hindi bababa sa ₱14.01 bilyong pondo para sa pagtatayo ng mga pasilidad at kaakibat nitong pangangailangan. Naglaan ang rehimeng Marcos ng ₱3 bilyon dito para sa 2025.
Iniulat ng Commission on Audit (COA) noong Disyembre 2024 ang kabiguan ng DepEd na kumpletuhin ang mga proyektong imprastruktura sa mga eskwelahan para sa LMSP na pinondohan noon pang 2021. Ang pagtutuos na isinagawa ng COA ay batay sa nakalap nitong datos noong Disyembre 2023.
Napag-alaman ng COA na hanggang katapusan ng 2023, hindi pa nakumpleto ng DepEd ang 76 sa 98 pasilidad na nagkakahalaga ng ₱1.4 bilyon sa ilalim ng LMSP. Lubhang naalarma ang COA na 22 lamang o 22.45% ang natapos ng DepEd kahit naglabas ito ng ₱211.23 milyon na “mobilization fees” para sa mga kontraktor.
Ang naturang mga imprastruktura ay dapat natapos sa loob ng 150 araw mula sa pagkakatanggap ng pahintulot na gawin ito at hindi dapat lalagpas ng Mayo 31, 2022. Ayon sa ulat, higit isang taon at kalahati o 555 araw na ang pagkaantala ng pagtatayo ng naturang mga silid-aralan.
Ang nakaupong kalihim ng DepEd noong 2021 hanggang 2022 sa ilalim ng gubyernong Duterte ay si Leonor Briones, na pinalitan mula Hunyo 2022 hanggang Hulyo 2024 ni Bise Presidente Sara Duterte, sa ilalim ni Marcos. Noong 2023, ipinagyabang ni Duterte na isa sa kanyang prayoridad ang LMSP. Anang mga guro, dapat singilin at papanagutin sila sa lubhang hindi maayos na pangangasiwa sa pondo at rekurso ng kagawaran.
Kampanyang kontra-insurhensya
Ayon sa mga guro, hindi lamang simpleng hindi natapos ng gubyerno ang pagtatayo ng mga gusaling ito, mas malala ay ang pagyurak sa karapatan ng mga estudyante sa eduksayon at karapatan ng mga guro sa maayos na kalagayan sa pagtuturo. Liban sa batbat ng korapsyon, ang LMSP ay tahasang nagsilbi sa kampanya kontra-insurhensya. Ang paglulunsad ng programa noong Hulyo 2019 ay nakatuntong sa pagpapasara ng rehimeng Duterte sa mga paaralang Lumad sa Mindanao na inaakusahan nitong pinatatakbo ng Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan.
Ilang araw bago ang pormal na paglunsad sa LMSP, iniatas ng DepEd ang pansamantalang suspensyon sa 55 paaralang Salugpungan sa rehiyon ng Davao. Batay ang desisyon ng kagawaran sa ulat ng mga upisyal militar ni Duterte na tinuturuan diumano ng mga ito ang mga kabataang Lumad at estudyante na “magrebelde sa gubyerno.” Noong Hulyo 2017, nagbanta si Rodrigo Duterte na bobombahin ang mga paaralang Lumad.
Tuluyang ipinasara ng DepEd ang 55 paaralang Lumad noong Oktubre 2019. Ginamit na pagdadahilan ng kagawaran ang kabiguan ng mga paaralang ito na tumupad sa mga “rekisitos ng gubyerno.” Sa sumunod na mga taon, ipinasara na ng DepEd ang lahat ng 216 mga paaralang Lumad sa Mindanao.
Sa layuning supilin ang mga organisasyon at komunidad ng mga Lumad na nangahas mag-organisa at magtayo ng sariling paaralan, ipinalit ng DepEd ang mga “last mile school” na sa katotohanan ay hindi naman naitayo o hindi maayos na pinangasiwaan.
Dati nang ipinapanawagan ng mga guro at tagapagtaguyod ng mga karapatan ng pambansang minorya na muling buksan ang mga paaralang Lumad. Itinutulak nila ito para matiyak ang karapatan sa edukasyon ng mga katutubong kabataan.